Thursday, January 24, 2019

MGA URI NG TAYUTAY


Ang tayutay ay sadyang paglayo sa karaniwang paggamit ng mga salita, kung kaya’t magiging malalim at piling-pili ang mga salita rito. Tinatawag ding palamuti ng tula ang tayutay dahil ito ang nagpapaganda sa isang tula.
  Nakadaragdag ito sa kalinawan, kapamagitan at kagandahan ng isang katha, pasalita man o pasulat.
Mga Uri ng Tayutay:

A. Pag-uugnay o Paghahambing
1. Pagtutulad o simili(Simile) isang paghahambing ng dalawang bagay na magkaiba sa pangkalahatang anyo subalit may mga magkatulad na katangian. Ito’y ginagamitan ng mga salita’t pariralang tulad ng, katulad ng, parang, kawangis ng, anaki’y, animo, at iba pa. 

     Halimbawa:
     1.Tila yelo sa lamig ang kamay na ninenerbiyos ng mang-awit.
     2. Si Menandro’y lobong nagugutom ang kahalintulad.
     3. Ang kanyang kagandahan ay mistulang bituing nagniningning.
     4. Gaya ng maamong tupa Si Jun kapag nakagalitan.

2. Pagwawangis o metapora (Metaphor) naghahambing ng dalawang bagay ngunit tuwiran ang ginagawang paghahambing.   
     Halimbawa:
     1.Ang kanyang mga kamay ay yelong dumampi sa aking pisngi.
     2.Matigas na bakal ang kamao ng boksingero.
3. Alusyonnagbibigay sanggunian mula sa kasaysayan, panitikan, pulitika, bibliya, at iba pang aspekto ng buhay ng tao.
     Halimbawa:
    1. Pinaniwala niya ang mga tao na siya ang kanilang tagapagligtas mula sa delubyo.
4. Metonimiya o Pagpapalit-tawag (Macetonimy)ang isang salita o grupo ng mga salita ay pinapalitan ng isa pang salita o grupo ng mga salita na may kaugnayan sa nais ipahayag.
      Halimbawa:
      1.Ang kapalaran mo ay handog sa iyo ng langit sa itaas na tinitingala ko.
      2.Siya ang timbangan, lakas tagahusga sa buti at sama mag-aanalisa. 
5.  Sinekdokenagbabanggit sa isang bahagi, konsepto o kaisipan upang sakupin o tukuyin ang kabuuan
      Halimbawa:
       1.Isang Rizal ang nagbuwis ng buhay alang-alang sa Inang Bayan.
       2.Hingin mo ang kaniyang kamay.
       3.Walong bibig ang umasa kay Romeo.
6. Pagmamalabis o eksaherasyon (Hyperbole) pagpapalabis sa normal upang bigyan
          ng kaigtingan ang nais ipahayagIto ay lagpa-lagpasang pagpapasidhi ng kalabisan o
          kakulangan ng isang tao, bagay, pangyayari, kaisipan, damdamin at iba pang
          katangiankalagayan o katayuan
      Halimbawa:
       1.Pilit na binuhat ang sandaigdigan upang ang tagumpay ay kanyang makamtan.
       2.Bumaha ng dugo sa kapaligiran, ako ang nagwagi sa aming labanan.
       3.Yumuko sa akin ang sangkatauhan nang masaliksik ko ang katotohanan.
       4.Abot-langit ang pagmamahal niya sa aking kaibigan.
7. Apostrope o Pagtawag (Apostrophe)
                 Pakikipag-usap sa karaniwang bagay na para bang nakikipag-usap sa isang buhay na tao na malayo o isang taong parang naroon at kaharap gayong wala naman.
      Halimbawa:
      1.O tukso! Layuan mo ako!
      2.Ulan, ulan kami’y lubayan na.
      3.Diyos ko, iligtas  po  ninyo ang aming bayan sa masamang elemento.
8. Eksklamasyon o pagdaramdam (Exclamation) –
                  Isang paglalabas o pagpapahayag ng matinding damdamin.
     Halimbawa:
     1.Aking nadarama ang kapighatian sa pinapasan kong sobrang kalungkutan!
     2.Lubos ang tuwa ko sa pagdating ninyo. Mabuhay! Mabuhay! Lalaya na ako!
9. Paradoks (Paradox)naglalahad ng salungat sa likas (o karaniwan) na kalagayan o pangyayari.
      Halimbawa:
      1.Malayo ma’y malapit pa rin.
      2.Kung magbangis ka ma’t magsukab sa akin mahal ka ring lubha dini sa
        panimdim.
10. Oksimoron o pagtatambis (Oxymoron) nagtataglay ng mga salitang nagsasalungatan upang lalong mapatiingkad ang bisa ng pagpapahayag.
      Halimbawa:
      1. Magsaya na kayo’t ililibing ako di na makikita ng lahat sa mundo.
      2. Banal na demonyo
      3. Batang matanda
11. Pagtatao o personipikasyon (Personification) paglilipat ng katangian ng isang tao sa mga walang buhay
      Halimbawa:
      1. Lumuluha ang liham na natanggap ni Carlo.
      2. Ang buwan any nahiya at nagtago sa ulap.


Wednesday, January 16, 2019

El Filibusterismo Buod ng Bawat Kabanata (21-39) + Talasalitaan

El Filibusterismo Buod ng Bawat Kabanata (21-39) + Talasalitaan
El Filibusterismo Kabanata 21 – Mga Anyo ng Taga-Maynila




Ang Les Choches de Corneville ng bantog na mga Pranses ay may pagtatanghal sa Teatro de Variendades ng gabing iyon. Mabilis na naubos ang mga tiket para sa dula.

Hindi abalang pumasok sa tanghalan ang Kastila na tila pulubi na si Camarroncocido. Nilapitan siya ni Tiyo Kiko, isang matandang lalaki na nakasuot ng amerikanang hanggang tuhod at ipinakita ang anim na pisong galing sa mga Pranses na kinita niya sa pagdidikit ng mga paskil.

Ngunit sinumbatan ni Camarroncocido si Tiyo Kiko at sinabing ang kikitain sa buong palabas ay mapupunta sa mga pari.

Ang pagtatanghal ay humati sa Maynila. Masagwa daw at laban sa moralidad ang palabas sabi ng mga tutol na sina Don Custodio, mga pari, pati na mga babaeng may asawa at may kasintahan.

May mga taong nagtatanggol naman sa palabas kagaya ng mga pinuno ng hukbo, mga marino, mga matataas na tao, mga kawani at mga babaeng walang kasintahan.

Naging malaking bulung-bulungan ang palabas at kasamang nababanggit ang Kapitan Heneral, si Simoun, si Quiroga at ang mga artista.

Pinuna ni Camarroncocido ang mga nais manood na kaya daw naroon ay para malaman kung bakit bawal at dapat ipagbawal ang palabas.

Nang umalis na si Tiyo Kiko ay may napansin si Camarroncocido na mga taong tila hindi sanay mag-amerikana at sa wari niya ay umiiwas na mapuna. May isang kagawad ng hukbo ang kumausap sa mga di-kilalang tao na apat o lima sa bawat pulutong.

Pagkaraan ay masiglang lumapit ang kagawad sa isang karwahe na lulan si Simoun. May narinig si Camarroncocido na wikang Kastila na ang ibig sabihin ay “Ang hudyat ay isang putok”, saka niya nasabi sa sarili na tila may binabalak ang mga ito.

Nagpatuloy sa paglalakad ang pulubi. May dalawang tao siyang naririnig na nag-uusap at sinabing ang mga kura ay malakas kaysa Heneral. Umaalis daw ang Heneral samantalang ang mga pari ay naiiwan at ang hudyat na isang putok ang kanilang ikayayaman.

Naaawa man sa bayan ngunit wala namang pakiaalam si Camarroncocido sa mga narinig.

Samantala, sa labas ng dulaan ay makikita si Tadeo na niloloko ang isang kababayang tanga sa pagsasabi ng mga kahanga-hangang kasinungalingan.

Sinabi ni Tadeo sa kausap na kilala niya ang mga malalaking tao na nadaan at kaibigan niya ang mga ito kahit hindi naman totoo.

Dumating ang mga mag-tiyahin na sina Donya Victorina at Paulita Gomez. Kahit na nagbabalatkayo ay nakilala pa rin ni Tadeo si Padre Irene na di naitago ng tunay na katauhan dahil sa mahaba niyang ilong. Dumating din si Don Custodio.

Nang dumating sina Makaraig, Pecson, Sandoval at Isagani ay lumapit si Tadeo sa kanila saka bumati. May sobra silang isang tiket dahil hindi sumama si Basilio.

Dahil dito’y inanyayahan nila sa Tadeo sa loob, agad siyang sumama sa apat, at iniwan ang kababayang kanina lamang ay kausap ngunit ngayon ay nag-iisa na.

Talasalitaan

·         Alingasngas – usap usapan

·         Bihasa – sanay, eksperto

·         Hampaslupa – mahirap

·         Hudyat – palatandaan

·         Kalmen – eksapularyong isinusuot bilang deboto sa isang santa o santo

·         Kawani – opisyal

·         Kinakatigan – pinapakinggan o kinakampihan

·         Malamlam – mapungay, malabo

·         Mapanibughuin – seloso

·         Masagwa – kahalayan

·         Nag-ibayo – tumitindi

·         Nagkukumahog – nagmamadali

·         Nagpatumpik-tumpik – nagpabagal-bagal

·         Nanlilimahid – maruming-marumi

·         Natitigatig – nayayanig

·         Naulinigan – narinig ng bahagya

·         Pabuya – premyo, gantimpala

·         Pagala-gala – paikot-ikot

·         Pagbabalatkayo – pagkukunwari

·         Pagkakarinyosa – pagkamalambing

·         Pakana – plano

·         Pangingimbulo – pagkainggit

·         Panunuligsa – pambabatikos

·         Paskil – karatula

·         Patid – tigil, hinto

·         Pinakakalansing – pinapatutunog

·         Sekreta – pulis

·         Tiktik – espiya

·         Walang muwang – walang alam



El Filibusterismo Kabanata 22 – Ang Palabas

Punong-puno ng tao sa dulaan ngunit lampas na sa oras ay di pa rin nagsisimula ang palabas dahil hinihintay pa ang Kapitan Heneral. Marami nang naiinip, nagsisipadyak at sumisigaw na buksan na ang tabing.

Ang lugar na tinatawag na palko na may pulang kurtina ay uupuan ng Kapitan Heneral. Isang ginoo ang umupo sa butaka at ayaw tumindig. Si Don Primitivo kasi ang may-ari ng upuan kinauupuan nito.

Dahil dito’y tinawag ni Don Primitivo ang tagapaghatid sa upuan nang makita niya na ayaw tumindig ng ginoo. Ang pagmamatigas ni Don Primitivo ay nagdulot ng kaguluhan at kasiyahan sa mga taong naiinip.

Samantala, habang nagaganap ang kaguluhan ay biglang tumugtog ang marchareal dahil dumating na ang Kapitan Heneral. Sinasabing manonood ang Kapitan Heneral ng palabas dahil sa dalawang dahilan. Ang una ay hinahamon diumano ito ng simbahan at ang pangalawa ay dahil ito ay may pagnanasa lamang na makita ang pagtatanghal.

Nasa loob din ng dulaan si Pepay at katapat ng mga estudyante ang kinauupuang palko nito. Kinuntsaba siya ng mga estudyante at siyang gagamitin kay Don Custodio upang palambutin ang puso nito. Noong hapong iyon ay sumulat si Pepay sa kagalang-galang na tagapayo at naghihintay ng kasagutan.

Naroroon din si Don Manuel na panay ang pasaring kay Don Custodio. Si Makaraig ay makahulugang tumitingin kay Pepay na parang ibig ipahiwatig na mayroon siyang sasabihin.

Masaya ang mga estudyante, si Pepay pati na si Pecson. Si Isagani lang ang hindi dahil nakita niya sa dulaan si Paulita na kasama ni Pelaez na kanyang karibal.

Maya-maya’y umawit si Gertude, isang Pransesa. Sige sa pagsalin si Tadeo sa wikang Kastila ng mga salitang Pranses na naririnig. Gayon din ang ginawa ni Juanito Pelaez kina Paulita Gomez at Donya Victorina. Lamang ay madalas mali ang pagsalin ni Juanito. Dito rin nagsimula ang paghanga ng Donya sa kanya at hinangad na pakasalan ang binatang kuba pag namatay ang mister na si Don Tiburcio.

Umawit din si Serpolette. Mayroong pumalakpak na nakilala ni Tadeo na si Padre Irene. Pinapag-espiya pala ito ni Padre Salvi kung sadyang masama nga ang palabas ng mga Pranses. Namukhaan ng mananayaw si Padre Irene at kakilala pala siya ni Serpolette doon pa sa Europa.

Pagkaraan ay may isang bababeng dumating na may kasamang asawa. Ipinagmamalaki pa niya ang pagkahuli ng dating. Nang makitang wala pang laman sa may palko ay inaway ng ginang ang asawa.

Sinutsutan siya ng mga tao at sa inis ay tinawag niya ang mga ito na mga “ungas” at akala mo daw ay marurunong mag-pranses.

Si Ben Zayb naman ay panay ang panunuligsa sa pinapanood at sinabing ang mga nagsiganap ay hindi mga artista at di marunong umawit.

Sa palabas ay kakikitaan ng kahalayan at pagnanais sa kababaihan ang mga kalalakihang tulad nina Don Custodio, Tadeo, Macaraig at Pecson ngunit sila ay nalungkot sapagkat hindi itinanghal ang hinihintay nilang cancan.

Napag-usapan din ang di pagsipot ni Simoun sa dulaan. Pinagtalunan naman ng mga estudyante ang kagandahan at kapangitan ng wikang Pranses.

Galing si Makaraig kay Pepay, malugkot ang hitsura kaya naman pagbalik niya ay nag-usisa ang mga kapwa mag-aaral. Dala niya ang balita na may pasya na daw tungkol sa paaralan ayon kay Padre Irene.

Sinang-ayunan daw ang paaralan ngunit ito’y ipaiilalim sa Unibersidad ng Sto. Tomas sa pamamahala ng mga Dominikano.

Talasalitaan

·         Alingawngaw – tinig na bumabalik sa pandinig

·         Artilyero – kanyunero

·         Ayuntamiento – Pamahalaang lungsod

·         Butaka – upuang may patungan ng braso; pang-ibabang mga hanay ng upuan sa teatro o tanghalan

·         Butaw – donasyon

·         Cancan – isang masiglang sayaw na nagsimula pa noong ika-19 na siglo na ang pinakatampok na galaw ang pasipang pataas sa saliw ng mabilis na tugtog

·         Dagok – suntok o dating ng suliranin

·         Dometiques – domestic o pantahanan

·         Entrada General – teatro

·         Gora – sombrero

·         Guniguni – imahinasyon

·         Ipalulon – ipalunok, ipakain

·         Kahali-halina – kaakit-akit

·         Matikas – matipuno

·         Manunuligsa – namumuna

·         Mapakali – mapalagay

·         Mapanudyo – mapanukso

·         Masasal – mabilis at malakas na ubo

·         Masatsat – masalita, madaldal

·         Masigabo – mainit na pagtanggap o palakpakan

·         Nakapukaw – nakagising

·         Nakaririmarim – nakadidiri, nasusuka

·         Nakimatyag – nakiusyoso

·         Nakukutya – namamaliit

·         Natitigatig – natitibag

·         Nayamot – nainis

·         Palko – balkonahe, upuan sa itaas ng teatro

·         Panlulumo – panghihina

·         Pasaring – parinig

·         Peluka – wig, pekeng buhok

·         Pinagkuskos – pinagkiskis

·         Servantes – servants o tagapaglingkod

·         Tabing – kurtina

·         Tampalasan – walang galang, bastos

·         Tisiko – may sakit sa baga o tuberculosis

·         Tumambad – lumitaw

·         Udyok – tulak

·         Umilandang – humagis

·         Winawasiwas – iwinagayway



El Filibusterismo Kabanata 23 – Isang Bangkay

Hindi pumunta sa dulaan si Simoun. Noong ika-pito ng gabi ay makalawang beses umalis at dumating si Simoun sa bahay na may iba’t ibang taong kasama. Nang mag-iikawalo na ay nakita siya ni Makaraig sa may daang Ospital malapit sa kumbento ng Sta. Clara. Nakita naman siya ni Camarroncocido sa may dulaan nang mag-iikasiyam na may kausap na tila estudyante.

Hindi rin pumunta sa teatro si Basilio dahil siya ay papunta sa San Diego. Pupunta siya sa bahay ni Kapitan Tiyago upang gamutin ito. Habang inaalagaan ni Basilio ang may sakit ay bigla na lang itong sinusumpong dahil sa sobrang paghithit ng opyo.

Nagbilin naman sina Simoun at si Padre Irene kay Basilio na pagalingin ang may sakit at pagtiisan ito sa pag-aalaga.

Sa pagrerepaso ni Basilio ay dumating si Simoun. Noon lamang sila muling nagkaharap mula nang huli silang magkita sa San Diego. Kinamusta ni Simoun si Kapitan Tiyago. Ibinalita naman ni Basilio na malubha na ang lagay ng Kapitan dahil kalat na ang lason sa katawan nito.

Muling hinimok ni Simoun si Basilio na makiisa sa himagsikan laban sa pamahalaang Kastila. Ang hindi raw kasi kakampi sa kanila ay ituturing nilang kaaway na dapat patayin. Si Basilio daw ang magtatakas kay Maria Clara sa kumbento ni Sta. Clara habang nagkakagulo ang buong lungsod.

Ngunit huli na daw ang lahat, ani Basilio. Nalaman niyang nagpakamatay na raw si Maria Clara dahil naroon daw siya sa kumbento upang makibalita kaya niya nalaman ang nangyari.

Nang bumalik siya ay nakita niya ang liham na padala ni Padre Salvi kay Padre Irene na siyang nagpabasa kay Kapitan Tiyago na nag-iiyak nang mabatid na patay na ang anak.

Nagulat si Simoun sa narinig niyang balita ngunit ayaw niyang maniwala na totoo ito at pinipilit na buhay pa si Maria Clara. Nang huminahon na ay umalis agad siya ng silid. Naririnig ni Basilio ang mga sigaw ng hinagpis ni Simoun habang paalis ito.

Nawala na sa isip ni Basilio ang pag-aaral at sa halip inisip ang kasalukuyang kalagayan ni Simoun.

Talasalitaan

·         Balaan – bigyan ng paunang paalala

·         Baligho – laban sa katwiran

·         Bugnutin – bigla o madaling magalit

·         Dalisay – puro o walang dungis

·         Dinaluhong – sinugod

·         Humimlay – matulog o mahimbing

·         Kabig – kakampi

·         Kahindik-hindik – katakot-takot

·         Lipos – puno

·         Lubay – tigil o patid

·         Nagpalahaw – umatungal sa iyak

·         Nagugulumihanan – naguguluhan

·         Nag-uulol – nababaliw o nawawala sa isip

·         Nakabubulahaw – nakaiistorbong ingay

·         Nangakatanikala – nakagapos o nakatali

·         Nangatal – nanginig

·         Natighaw – mabawasan o humina

·         Pagpapaunlak – napasunod o nagbigay

·         Pantalya – lampara

·         Polyeto – lampara

·         Sinisikil – iniipit o pinahihirapan

·         Sulak – agos

·         Talamak – marami o kumalay

·         Tigib – masobrahan o matambakan

·         Tigmak – basa o babad

 



El Filibusterismo Kabanata 24 – Mga Pangarap

Ang magkasintahang sina Isagani at Paulita ay mag-uusap sa Luneta.

Galit si Isagani dahil nakita niyang magkasama sina Paulita at Juanito sa dulaan. Ngunit napag-alaman niya na si Donya Victorina raw ang may ibig kay Pelaez kaya nagkatawanan sila ng kausap.

Nagkapalitan din sila ng mga pangarap sa hinaharap. Nais raw ni Isagani na sa nayon manirahan. Para sa kanya, ang bayang iyon ang tangi niyang kaligayahan bago pa nakilala at nakita si Paulita. Ngunit nabatid niyang parang naging may kulang sa kanya ang bayang iyon at natitiyak niyang ang kulang ay ang kanyang nobya.

Ngunit ayaw pumunta doon ni Paulita. Ayaw daw niyang magdaan sa mga bundok na malimatik. Ang nais niyang paglalakbay ay sa pamamagitan ng tren.

Pinaghambing ni Isagani sa isip ang pansin ng mga taong pamahalaan sa nagkaramdam na si Simoun at ang mga sugatang kawal na galing sa digma. Sa mga sugatang kawal ay ni walang pumapansin subalit kay Simoun ay nabahala ang marami. Iba na raw ang mayaman ayon sa binata. Ang bayang nasa isip niya ay di lamang Pilipinas kundi pati ang Espanya.

Nang dumating sina Paulita ay nginitian niya ang nobyo. Ngumiti rin si Isagani at tila ba napawi lahat ng kanyang pagka-inis. Masaya na sana si Isagani ngunit biglang itinanong ni Donya Victorina kung nasa kanilang nayon ba nagtatago ang asawa niyang si Don Tiburcio.

Ipinagkaila ng binata ang kanyang nalalaman. Ngunit may pahabol na tanong ang Donya na ano daw kaya kung pakasal siya kay Juanito. Kinaiinisan man ang kanyang kamag-aral ngunit pinuri pa niya si Juanito sa harap ng Donya.

Pinagbigyan ni Donya Victorina na magkausap ang pamangkin at ang nobyo nito. Kung magkakatuluyan nga naman si Paulita at Isaganiay masasarili niya si Juanito.

Talasalitaan

·         Naulinigan – narinig

·         Mapaniil – mapang-abuso

·         Naghulas – pagtutubig, lusaw, tunaw, tagas

·         Pagkabusabos – pagkaalipin

·         Sumilay – sumulpot, sumipot, dumating



El Filibusterismo Kabanata 25 – Tawanan at Iyakan

Ang piging ay idinaos ng mga mag-aaral sa Panciteris Macanista de Buen Gusto. Labing-apat silang lahat kabilang na si Sandoval.

Matatalim magsalita ang mga estudyante. Kahit pa nagtatawanan sila ay ramdam pa din ang kanilang hinanakit.

Dumating na din si Isagani. Si Pelaez na lang ang wala. Sana daw ay si Basilio na lang ang inimbitahan kaysa kay Juanito, ani Tadeo. Malalasing pa daw sana nila si Basilio at baka sakaling mapaamin ang lihim tungkol sa nawawalang bata at sa isang mongha.

Habang kumakain ay inihandog nila kay Don Custodio ang pansit lang-lang, ang sopas ay tinaguriang sopas ng panukala, ang lumpiang intsik ay inalay kay Padre Irene at ang torta’y inukol sa prayle (torta de Frailes).

Tumutol si Isagani. Di daw dapat isama sa panunumpa ang isang pari. Sinegundahan ito ni Tadeo. Kahabag-habag daw na inihambing ang alimasag sa mga prayle.

Ang pansit gisado naman ay inukol sa pamahalaan at sa bayan. Ani Makaraig, ang pansit ay katutubong lutuing Pilipino. May gusto daw mag-alay ng pansit kay Quiroga na isa raw sa apat na kapangyarihan sa Pilipinas. Samantalang may nagsabi na sa Eminencia Negra (Simoun) raw dapat ialay ang pansit.

Hindi handa si Tadeo ng mahilingan siyang magtalumpati. Nagtalumpati din si Pecson na inatake ang mga pari. Aniya, mula raw sa kamusmusan hanggang sa libingan ay mga pari ang kasama natin.

May nakakita sa isang utusan ni Padre Sibyla (biserektor sa Unibersidad) na sumakay sa karwahe ni Simoun. Nagtitiktik pala ito sa mga mag-aaral. Nasambit tuloy ni Makaraig ang mga katagang “Ang busabos ng bise-rektor na pinglilingkuran ng panginoon ng Heneral!”

Talasalitaan

·         Naaninaw – nabanaagan

·         Nagmamanman – nag-iimbestiga

·         Pagtalima – pagsunod

·         Piging – handaan

·         Sinipat – tinignan



El Filibusterismo Kabanata 26 – Mga Paskil

Maagang nagising si Basilio. Dadalawin niya ang pasyente sa ospital ng San Juan de Dios saka pupunta sa Pamantasan para sa kanyang lisensiyatura.

Kakatagpuin rin niya si Makaraig para mangutang ng salapi na kanyang gugugulin. Ang mga naimpok niya kasi ay nagamit na niya sa pagtubos kay Juli.

Sa kanyang paglalakad ay nakasalubong niya ang propesor na malapit sa kanyang loob. Tinanong siya ng propesor kung nasa piging siya kagabi. Mabuti raw at wala ito doon.

Nang malamang kasapi si Basilio sa kapisanan ay pinayuhan nito ang binata na umuwi na at sirain ang lahat ng kasulatang magdadawit sa kanya.

Nabanggit ni Basilio si Simoun. Wala raw kinalaman dahil nahihiga ang mag-aalahas dahil sa sinugatan ng kung sino. Anang kausap ay may ibang mga kamay na nakapangingilabot dito.

Tinanong ni Basilio kung may kasangkot na tulisan. Ngunit ang sagot ng propesor ay wala raw dahil puro estudyante daw ang sangkot. Sa unibersidad daw ay nakakita ng mga paskin o paskil na mapanghimagsik.

May nasalubong silang isa pang propesor na kakilala ni Basilio. Ang sabi’y nangangamoy na raw si Kapitan Tiyagoat nilalapitan na siya ng mga uwak at buwitre.

Nagpatuloy sa paglalakad si Basilio. Napag-alaman niya na marami raw mga estudyanteng papupugutan ng ulo, ipabibilanggo, at ibabagsak sa pag-aaral.

Naalala ni Basilio ang sinabi ni Simoun na oras na sila’y itiwalag nila ay di sila makatatapos sa kanilang karera. Dito’y pinaghinalaan ni Basilio si Simoun na may kinalaman sa mga paskil.

Tinawag ni Simoun si Sandoval ngunit para itong walang narinig. Tuwang-tuwa naman si Tadeo dahil wala na raw klase. Ibibilanggo raw lahat ng mga estudyanteng kasama sa kapisanan.

Si Juanito naman ay parang baliw na paulit-ulit na sinasabing wala siyang kinalaman. Saka umalis nang makitang may papalapit sa kanilang tanod.

Natanaw ni Basilio si Isagani na namumutla ngunit pinagpupuyusan ng kalooban. Ani Isagani ay hindi na daw mahalaga kung sino ang sumulat sa mga paskil dahil tungkulin ng mga pari ang alamin iyon. Kung nasaan daw ang panganib ay doon sila dumako dahil naroon ang karangalan.

Dagdag pa niya, kung ang nasasabi raw sa paskil ay kaayon sa kanilang kalooban, sino man ang sumulat noon ay dapat daw nilang pasalamatan. Kung hindi naman ay sapat nang tutulan nila at tanggihan.

Di naman sang-ayon dito si Basilio kaya tumalikod ito sa kaibigan saka umalis dahil pupunta na siya kay Makaraig para makahiram ng pera.

Di niya pinansin ang mga senyas ng mg mga kapitbahay ni Makaraig. Nang makaharap ang dalawang tanod na beterana ay sinabi niyang naroon siya para makipagkita sa kaibigang si Makaraig.

Nagkatinginan lamang ang dalawang tanod. Saka dumating si Makaraig, ang kabo, at dalawang kawal. Nagtaka si Makaraig sa pagparoon ni Basilio. Inusig ng kabo si Basilio saka isinama sa pagdakip.

Sa sasakyan ay ipinagtapat ni Basilio ang kanyang sadya kay Makaraig. Sinabi ni Makaraig na maaasahan siya ni Basilio at kapag nakapagtapos daw siya ng pagdodoktor ay aanyayahan pa nila ang mga kawal na dumakip sa kanila.

Talasalitaan

·         Gugol – gastos

·         Kabo – sundalong may rangong “Corporal” sa militar

·         Kanto – salikop

·         Magara – magarbo

·         Nagunita – naalala

·         Naimpok – naipon

·         Nakaligtaan – nakalimutan

·         Paskin o Paskil – poster

·         Putahe – pagkain



El Filibusterismo Kabanata 27 – Ang Prayle at ang Estudyante

Ipinatawag ng isang katedratikong si Padre Fernandez si Isagani. Ito’y labis na iginagalang ng binata.

Narinig daw umano ng pari ang pagtatalumpati ni Isagani. Itinanong din nito kung kasama ba siya sa hapunan. Pinuri ng pari ang pagkakaroon ni Isagani ng paninindigan.

Nagpatuloy sa pagsasalita ang pari at sinabing may mga dalawang libong estudyante na raw ang naturuan niya o sinikap niyang turuang mabuti at karamihan doon ay pumupula at lumalalos sa mga prayle ngunit walang makapagsalita nang tapatan o harapan.

Ayon naman kay Isagani ay di kasalanan ng kabataan na magsalita laban sa may kapangyarihan na agad naman nilang pararatangan ng pilibustero dahil alam ng pari ang ibinubunga ng gayong paratang.

Sinabi ng pari na di niya inuusig si Isagani at malaya itong nakapagsasalita ng anuman sa kanyang klase. Sa halip ay paborito pa nga daw niya si Isagani.

Pangiti namang nagpasalamat ang binata at sinabing itinatangi rin niya ang katedratiko. Di raw gaya ni Padre Fernandez ang ibang prayleng Dominikong katedratiko. Saka nisa-isa ang mga sakit sa pagtuturo ng mga prayle.

Napakagat-labi lamang si Padre Fernandez at sinabi nitong lampas na sa guhit ng pag-uusap ang mga paratang ni Isagani.

Giit naman ni Isagani na ang mga prayle sa lahat ng orden ay naging mga kontratista ng karunungan at sila umano ang nagsasabi mismo sa mga mag-aaral na hindi raw sila nararapat matuto dahil balang araw ay magpapahayag ang mga ito ng paglaya.

Dagdag pa ni Isagani, ang kalayaan ay katambal ng tao at gayundin ng talino at katarungan. Ang pagtanggi ng mga prayle na matuto sila at lumaya ang dahilan ng kawalan ng kanilang kasiyahan.

Anang pari, ang karunungan daw ay hindi ipinagkakaloob kundi sa karapat-dapat lamang. Ipagkaloob daw iyon sa mga walang tibay ng loob at kapos sa wastong asal ay taliwas sa layunin.

Ngunit tinutulan ito ni Isagani. Aniya, kung ano daw sila ngayon ay ang mga pari ang may gawa. Ang bayan daw na inaalipin ay natutong magkunwari; ang paghaharian ay lumikha ng mga alipin.

Ipagpalagay daw nila, kahit di totoo, na ang mga estudyante ay mga walang dakilang asal at katibayan ng loob. Sino daw ang may kasalanan? Sila daw ba o ang mga nagturo sa kanila sa loob ng may tatlong siglo? Kung pagkatapos ng panahong iyon ay walang nayari ang manggagawa ng palayok kundi mga sira, siya’y napakatanga na raw marahil. O baka daw marumi ang putik na ginamit?

Dagdag muli ni Isagani, “Kung gayo’y higit pang napakahangal gayong alam na palang masama at marumi ang putik ay bakit nagpapatuloy pa sa pagsasayang ng panahon, at di lamang hangal, kundi manlilinlang at magnanakaw pa dahil alam nang walang ibubunga ang ginagawa niya’y patuloy pa sa pagtangap kabayaran at di lamang hangal, mandaraya at magnanakaw kundi isa pang talipandas dahil ayaw nilang subukin ang kakayahan ng iba sa paggawa ng magiging kapaki-pakinabang.”

Nakilala ng pari ang kanyang kagipitan at noon lamang siya nakaranas ng pagkatalo sa isang estudyanteng Pilipino lamang. Nabanggit ng pari na ang utos na sinusunod nila ay galing lamang sa pamahalaan.

Ngunit pinulaan ni Isagani ang pagtatago ni Padre Fernandez sa likod ng pamahalaan.

Muling nangatwiran ang pari at sinabing ang ibig daw niyang sabihin ay may mga batas na mabuti ang layon nguni’t masama ang ibinubunga. Ang masamang ugali ng mga mag-aaral ay di daw dapat isisi sa kanila o kahit sa Pamahalaan kundi sa masamang pagkakatatag umano ng kanilang kapisanan.

Ani Isagani, “Opo, may pumipilit na sila’y mag-aral. Katungkulan ng bawat tao na hanapin ang kanilang kaganapan ng pagkatao. Katutubo sa tao na linangin ang kanyang talino at lalong matindi ang nais na ito rito dahil ito’y hinahadlangan. Ang bumubuhay sa pamahalaan ay humihingi sa pamahalaan ng liwanag upang lalong makatulong sa bansa. Pamahalaan na rin at ang mga prayle na rin ang pumipilit na kaming mga indiyo ay maghanap ng karunungan dahil sa inyong pag-aglahi sa amin sa kawalang pinag-aralan at kamangmangan. Kami’y inyong hinuhubaran at pagkarapos ay pinagtatawanan ninyo ang aming kahihiyan.”

Talasalitaan

·         Buhong – mapanlinlang

·         Capista – tagapaghatid

·         Inuupasalaan – manirang-puri

·         Itinangi – pinapahalagahan, pinag uukulan ng mamumukod na pagmamahal

·         Karangalan – dignidad

·         Katedratiko – paring propesor

·         Lumait – umapi, kumutya

·         Mangmang – walang alam

·         Nakatutop – nakalagay

·         Pagbabalatkayo – pagkukunwari

·         Paghuhulo – pagkakaintindi

·         Payabungin – paunlarin

·         Pensing – eskrima

·         Salat – kulang

·         Siniil – ginipit

·         Tinakpan – ipininid

·         Tinutuligsa – pinupuna

·         Tutusin – bibilangin



El Filibusterismo Kabanata 28 – Pagkatakot

Sa El Grito ay pinangalandakan ni Ben Zayb na tama siya sa madalas niyang sabihin na nakasasama sa Pilipinas ang pagtuturo sa kabataan. Pinatutunayan umano ito ng mga paskil.

Binalot ng takot ang lahat mula sa Heneral hanggang sa mga Intsik. Hindi na din nakapunta sa basar ni Quiroga ang mga prayle. Inayos din ng mga Intsik ang kanilang mga tindahan upang madali itong maisara kung sakali.

Naisip ni Quiroga na sumangguni kay Simoun upang itanong kung panahon na upang gamitin ang mga baril, pulbura at bala na ipinatago nito sa kanya.

Ayon sa napag-usapan nila ni Simoun ay palihim na ilalagay ang mga baril sa mga bahay-bahay at saka magpapahalughog ang pamahalaan. Maraming madarakip lalo sa mga mayayaman at ito ay magpapatulong sa kanila na mangangahulugan ng malaking salapi.

Ngunit hindi nakausap ni Quiroga si Simoun. Ipinasabi lamang na huwag galawin ang anuman sa kinalalagyan.

Pumuta si Quiroga kay Don Custodio upang isangguni kung dapat niyang sandatahan ang sariling tahanan. Subalit ayaw rin tumanggap ng bisita si Don Custodio. Kaya naman kay Ben Zayb nagtungo si Quiroga. May dalawang rebolber na nakapatong sa mga papeles ng manunulat kaya ng makita niya ang mga ito ay nagpaalam kaagad ang intsik at nagdahilang may sakit.

Kinahapunan ay may kumalat na balitang may panayam ang mga estudyante at mga tulisan sa San Mateo. Ang balak daw na paglusob ng mga ito sa lungsod ay nabuo sa isang Pansiterya.

May bapor pandigma pa daw ang mga Aleman. May mga estudyante daw na nagtungo sa Malakanyang upang magpahayag ng pagkamaka-Kastila ngunit nahulihan sila ng armas kaya ang mga ito ay pinagkukulong. Naligtas daw ang Heneral dahil noo’y nakikipanayam sa mga puno ng orden o provincial sa Pilipinas.

May nagmungkahi na magpabaril ng isang dosenang pilibusterilyo upang matigil ang gulo. Sabi naman ng isa’y sapat nang palakarin sa mga lansangan ang mga kawal na kabayuhan at may hilang kanyon upang ang lahat ay magsisipanhik ng bahay para manahimik. Anang isa, pagpapatayin ang mayayaman at linisin ang bayan.

May naghalughog sa bahay ni Kapitan Tiyago kung saan si Basilio ay nanunuluyan. Hinahanap nila ang mga kasulatan ng binata. Maya-maya’y dumating si Padre Irene saka nagbalita ng mga nakakatakot sa matanda.

Natakot si Kapitan Tiyago sa mga kwento ng pari. Napadilat ang Kapitan habang nakakapit sa kura. Nagpumilit siyang makabangon ngunit hindi niya kaya. Bumagsak ito na bumubula ang bibig saka namatay. Nakahawak ang patay kay Padre Irene na nakaladkad niya hanggang sa gitna ng silid.

Sa isang binyagan kinagabihan ay may nagsabog ng kwalta. Nag-agawan ang mga bata kaya maingay sa may pinto ng simbahan. May nagdaang opisyal at nabigla ito sa mga nakita. Inakala niyang gawa iyon ng mga pilibusterilyo kaya hinabol ng sable ang mga batang nagsipasok sa simbahan. Nagtakbuhan ang mga tao dahil nagsimula na raw ang himagsikan.

May dalawang tao na nahuling nagbabaon ng sandata sa silong ng isang bahay na tabla. Hinabol ng mga tao ang dalawa upang ibigay sa pamahalaan ngunit hindi nila iyon nahuli. Ang mga baril ay lumang eskopeta na maari pang makasugat sa gagamit.

May beteranong napatay ng isang kawani sa pag-aakalang isa itong estudyante. Patay rin ang isang bingi na hindi sumagot ng tanungin.

Sa isang tindahan ay napag-usapan si Tadeo. Binaril na raw ito kaya napadaing ang babaeng kausap. Marami raw kasing utang sa ginang si Tadeo. Sinabihan naman siya na baka raw madamay pa kay Tadeo ang may-ari ng tindahan kaya natahimik ang babaeng kanina lang ay dumaraing.

Si Isagani naman daw ay kusang nagpadakip. Isa daw siyang luku-luko ayon sa usapan. Malamang daw ay babarilin din iyon. Wala namang paki ang babae dahil wala naman daw utang sa kanya ang binata. Baka daw pakasal na din sa iba si Paulita.

Halos lahat ng mga bahay ay may nagru-rosaryo.

Sa tinutuluyan nina Palcido Penitente, hindi naniniwala ang platero sa mga paskil. Si Padre Salvi lang daw ang may gawa noon. Ayon naman sa isa ay si Quiroga ang may gawa dahil may ibig daw ipasok na kontrabando ang Instik na nasa look na sandaang libong pisong mehikano. Nagkaroon daw ng kaguluhan. Pinadulasan ang mga kawani sa adwana at nakalusot ang salapi.

Pagkaraan ay may narinig silang mga yabag. Kay Quiroga naputol ang usapan ngunit kunwari’y binanggit ng isa si San Pascual Bailon. Ang dumating pala ay si Placido kasama ang manggagawa ng kuwitis o pulbura ni Simoun.

Hindi raw nakausap ni Placido ang mga bilanggo. Ayon sa manggagawa ng pulbura ay magpupugutan ng ulo sa gabing iyon. Hindi daw mangyayari iyon sabi ng isa dahil si Simoun na siyang madalas magpayo ng ganun ay maysakit. Nagkatinginan na lang ang dalawang bagong dating.

Pinalitan ang mga tanod sa pinto ng siyudad nang gabing iyon. Mga artilyerong Kastila ang ipinalit.

Kinabukasan sa Luneta ay may nakitang bangkay ng isang dalagitang kayumanggi. Halos hubad ang bangkay. Nakita man iyon ni Ben Zayb ay di na rin niya ibinalita.

Talasalitaan

·         Albacea – tagaganap ng huling bilin o testamento ng namatay

·         Aleman – taong taga-Germany

·         Kimi – namumula ang pisngi

·         Kuwalta – salapi, pera

·         Pahumal – nauukol sa ilong

·         Pinagpipiit – pinagkukulong

·         Sable – espada

·         Timpiin – supilin

·         Tudling – kulubot



El Filibusterismo Kabanata 29 – Ang Huling Pati-ukol kay Kapitan Tiyago

Marangya ang libing ni Kapitan Tiyago. Hinirang si Padre Irene na tagapamahala at tagapagpatupad ng testamento ng kapitan. Ang malaking kayamanan ng namatay ay napunta sa Sta. Clara, sa Papa, sa Arsobispo, at sa mga orden. Ang dalawanpung piso ay itinira para pangmatrikula ng mga estudyanteng mahihirap.

Inalis ni Kapitan Tiyago ang dalawampu’t limang piso na pamana kay Basilio dahil sa kawalang-utang na loob umano nito ngunit isinauli ni Padre Irene at siya na raw ang magpapaluwal sa sariling bulsa.

Pinagtatalunan nila kung anong damit ang susuotin ni Kapitan Tiyago. Ipinirisinta ni Kapitan Tinong ang kanyang sirang damit-Pransiskano na nabili niya sa isang prayle sa halagang tatlumpu’t anim na piso. Handa raw niya itong ibigay sa kaibigan na ni minsan ay hindi niya nadalaw noong nabubuhay pa.

Ang sastre ay tumutol at sinabing dapat prak ang ipasuot dahil ito ang suot ng kapitan nang magpakita sa mga mongha at ito ay laging naka-prak kapag dumadalo noong araw sa mga pagtitipon. Nagprisinta pa ang sastre na hindi sisingilin nang mahal kapag sa kanya ipinagawa ang ipababaong damit. Tatlumpu’t dalawang piso ang halaga ng niyari niyang damit.

Ngunit sa bandng huli ay si Padre Irene pa rin ang nasunod kaya isang lumang damit ng Kapitan ang ipinasuot nito.

Usap-usapan na nagpakita umano ang kaluluwa ni Kapitan Tiyago. Dala ng namatay ang kanyang sasabunging manok, ang pisngi niya ay nananambok sa nganga at nasa kanyang bibig ang opyo.

Ang mga kasama ni Kapitan Tiyago sa sabungan na naroon ay pinag-usapan kung hahamunin kaya ni Kapitan Tiyago si San Pedro na pagsabungin ang kanilang manok sa langit.

Ayon kay Don Primitivo, naniniwala siyang parehong mananalo sina San Pedro at Kapitan Tiyago sa pagsasabong. Sinalungat naman ni Martin Aristorenas ang teorya ni Don Primitivo. Para sa kanya, meron talagang mananalo at matatalo.

Tatlong pari ang nagmisa sa libing. Maraming kamanyang ang sinunog at agua bendita ang ipinandilig sa kabaong. Hindi rin mabilang ang inawit na mga awiting Latin tungkol sa patay. Marami rin ang sumakit ang ulo sa katutugtog ng plegarya.

Humanga ang lahat sa libing ni Kapitan Tiyago. Si Donya Patrocinio na kalaban naman ng kapitan noon sa pagkabanal ay inggit na inggit sa libing ni Kapitan Tiyago at tila nagnanais na mamatay na rin kinabukasan upang magkaroon ng libing na higit pa sa naging libing yumaong katunggali.

Talasalitaan

·         Apyan – sigarilyo

·         Budhi – kalooban

·         Dayukdok – gutom an gutom

·         Hitso – nganga

·         Kuwakong – pinaglalagyan ng Tabako

·         Maringal – marangya

·         Prak – barong Tagalog

·         Pinawalang-bisa – binalewala

·         Sumakabilang-buhay – namatay



El Filibusterismo Kabanata 30 – Si Huli

Balita sa buong San Diego ang pagkamatay ni Kapitan Tiyago at pagkakadakip kay Basilio. Dinamdam ito ng buong bayan lalo na si Huli.

Hindi mawala sa kanyang isip ang sinapit ng katipan. Nais niyang makalaya ito kaya naisip niyang lapitan si Padre Camorra dahil alam niyang isang salita lamang ng pari ay makakalabas ng kulungan si Basilio.

Gabi-gabing hindi pinapatulog ng pangamba ang dalaga at madalas din siyang bangungutin. Urong-sulong siya kung hihingi ng tulong sa pari o hindi.

Makaraan ang ilang araw ay nabalitaan niyang nag-iisa na lamang sa kulungan si Basilio dahil nakalaya na ang ibang mga nakapiit. Wala tagapagtanggol si Basilio at wala rin naman kamag-anak lalo pa’t kamakailan lang ay namatay na si Kapitan Tiyago. Ipatatapon daw ito sa Carolinas.

Ayaw mang pumunta ni Huli sa kumbento upang humingi ng tulong kay Padre Camorra dahil natatakot siya sa binabalak at hinihinging kapalit nito ay napilitan pa rin siyang humingi ng tulong dito. Pinilit din siya ni Hermana Bali sa pag-aakalang ang pari na lamang ang pag-asa ni Basilio.

Nang hapong iyon ay nagawa ni Padre Camorra ang panghahalay kay Huli. Kinagabihan, usap-usapan si Huli at ang pagtalon niya sa bintana ng kumbento na kanyang ikinamatay.

Patakbo siyang nilapitan ni Hermana Bali at bumaba sa pinto ng kumbento.

Ang lolo ni Huli na si Tandang Selo ay nagsisigaw at nagwala sa harap ng kumbento. Hindi niya kinaya ang nangyari sa apo. Bigo rin siya sa paghahanap ng hustisiya kaya naisipan na lang ng matanda na sumama sa mga tulisan.

Talasalitaan

·         Agua Bendita – Banal na tubig (Holy Water)

·         Islas Carolinas – lugar kung saan ipatapon si Tano na maaaring pagtapunan din kay Basilio

·         Kandili – proteksyon

·         Nahimatay – nawalan ng malay-tao

·         Takipsilim – dapit-hapon

·         Umiimik – kumikibo

·         Umuukilkil – paulit-ulit



El Filibusterismo Kabanata 31 – Ang Mataas na Kawani

Hindi nabalita sa mga pahayagan ang pagkamatay ni Huli. Ang tanging nabalita sa tulong ni Ben Zayb ay ang kabutihan umano ng Heneral. Nakalaya na sina Makaraig at Isagani at tanging si Basilio na lamang ang hindi.

Ipinagtanggol ng Mataas na Kawani si Basilio. Mabuting bata raw ito at malapit nang matapos sa panggagamot. Lalo lamang napahamak si Basilio dahil bawat sabihin ng kawani ay panay ang tutol ng Heneral.

Dapat daw ay magkaroon ng halimbawang di dapat tularan ang mga mahilig sa pagbabago. Pinagbintangan si Basilio ng Heneral na gumamit ng bawal na aklat sa medisina.

Ayon sa Kawani ay dapat matakot ang Heneral sa bayan. Natawa lamang ang Heneral dahil wala umano siyang pakialam sa bayan sapagkat ang naglagay sa kanya sa pwesto ay ang bayang Espanya at hindi ang bansang Pilipinas.

Kapag itinanggi umano sa isang bayan ang liwanag, tahanan, katarungan at kalayaan ay ituturing ng bayan na magnanakaw ang nagtanggi ng mga ito.

Pagkaalis ng Kawani makaraan ang dalawang oras ay nagbitiw ito sa tungkulin at nagsabing siya’y uuwi na sa Espanya lulan ng kasunod na bapor.

Talasalitaan

·         Katampalasanan – kalupitan

·         Koreo – sulat

·         Lakayo – komikero (clown)

·         Padrino – ninong

·         Umalingawngaw – magkalat ng balita



El Filibusterismo Kabanata 32 – Ang Bunga ng mga Paskil

Dahil sa mga nangyari sa mga mag-aaral ay hindi na nagpaaral ng mga anak ang mga magulang.

Sa unibersidad naman ay maraming bumagsak at bihira ang pumasa sa mga eksamen at sa kanilang kurso. Hindi man nakapasa ay ikinatuwa pa rin iyon ni Tadeo at sinunog pa ang kanyang mga aklat. Hindi rin nakapasa sina Makaraig, Pecson, at Juanito Pelaez.

Si Pelaez ay napatali sa negosyo ng ama. Nagmadali namang pumunta sa Europa si Makaraig. Sina Isagani at Sandoval lamang ang nakapasa. Si Basilio naman’y hindi pa nakakakuha ng pagsusulit dahil nasa bilangguan pa. Sa bilangguan na rin niya nalaman ang pagkawala ni Tandang Selo at pagkamatay ni Juli. Sa tulong ng kutserong si Sinong na tanging dumadalaw sa kanya ay nalaman niyang lahat ang mga pangyayari.

Samantala, ayon kay Ben Zayb ay mabuti na ang lagay ni Simoun. Mamamahala umano ito ng isang piging sa bahay ni Kapitan Tiyago na nakuha ni Don Timoteo Pelaez sa murang halaga.

Mula noo’y madalas si Simoun sa tindahan ng mga Pelaez na usap-usapan ng iba na pinakisamahan na niya. Ilang linggo lang ay nabalitang ikakasal na si Juanito kay Paulita. Bagay umano ang dalawa dahil pareho silang walang isip at makasarili.

Buwan na ng Abril at limot na ang mga pangamba. Hinintay-hintay ng buong Maynila ang piging sa kasal nina Juanito at Paulita. Isang bagay lang ang pinagkakaabalahan at iniisip ng ilan, ang makipagkaibigan kay Simoun at Don Timoteo Pelaez para maimbita sa kasal.

Ninong daw ang Kapitan Heneral sa nalalapit na kasal at si Simoun ang mag-aayos at maghahanda nito.

Talasalitaan

·         Bilangguan – piitan, bilibid

·         Bitayan – entablado

·         Hukom – tagahatol

·         Mabimbin – maantala

·         Mapawi – maparam, kumupas

·         Pagsalakay – paglusob

·         Palugid – pagpapaurong sa parusa

·         Talumpati – panayam



El Filibusterismo Kabanata 33 – Ang Huling Matuwid

Maaga pa ay inayos na ni Simoun ang kanyang mga hiyas at armas. Araw na ng kanyang pag-alis at sasabay na siya sa Kapitan Heneral. Naniniwala ang marami na hindi magpapaiwan si Simoun dahil baka marami ang mga taong galit at maghiganti sa kanya o kaya naman ay pag-uusigin siya ng kahaliling Heneral.

Kinahapunan ay nagkulong si Simoun sa kanyang silid at nagbilin na wala siyang ibang tatanggapin kundi si Basilio lamang. Dumating si Basilio at nagulat ni Simoun sa laki ng ipinagbago ng binata.

Payat na payat na ito, humpak ang mga pisngi, gulo ang buhok, walang ayos ang pananamit at wala na ang dating amo ng kanyang mga mata. Si Basilio ay tila isang patay na muling nabuhay.

Nasambit ni Basilio kay Simoun na naging masama siyang anak dahil hindi niya ipinaghiganti ang kasawian ng kanyang ina at kapatid. Sa kanyang pag-iwas kay Simoun at sa mga plano nito ay wala umano siyang napala kundi ang pagkakulong. Handa na raw siyang sumanib dito.

Nagsalita si Simoun at sinabing nasa panig daw pala niyang talaga ang katwiran. Ang kanyang usapin ay siyang usapin ng mga sawimpalad na tulad ni Basilio.

Tumayo si Basilio at sinabing matutuloy na ang himagsikan dahil hindi na siya nag-aalinlangan. Si Simoun naman ay nagsabi na ang nagtulak sa kanya upang ipagtuloy ang kanyang mga balak ay ang mga mabait na hindi makapagdesisyon ng maigi at ayaw ng gulo. Kung nagkatulungan na daw sana noon pa ang mga nasa mataas na lipunan at ang mga nasa ibaba, ang gawain sana ay mapagkawanggawa at hindi madugo at buktot.

Nagpunta sila sa laboratoryo at ipinakita ni Simoun ang isang granada kay Basilio. Napag-usapan nila kung paano ito ginagamit at saan nila ito gagamitin. Sa kapistahan daw umano nila gagamitin ang tila ilawan ngunit isang granada na pipinsala sa mga bisita sa pista.

Ang plano ay magtatagpo sina Kabesang Tales at Simoun sa siyudad upang agawin ang mga armas na itinago ni Simoun sa tindahan ni Quiroga.

Si Basilio naman ang namumuno sa mga arabal at pag-aagaw ng mga tulay. Magkukuta siya roon upang sumaklolo kina Simoun. Papatayin niya ang lahat ng laban sa paghihimagsik at lahat ng lalaking tatangging sumama at humawak ng sandata.

Sinabihan ni Simoun si Basilio na sa ikasampu ng gabi ay magkikita sila sa tapat ng simbahan ng San Sebastian para sa mga huling tagubilin.

Talasalitaan

·         Balang – lukton

·         Makahuma – makagalaw

·         Nag-aatubili – nag-uunong-sulong, nag-aalinlangan

·         Nagbunsod – nagtulak

·         Pinaglagakan – pinagtaguan



El Filibusterismo Kabanata 34 – Ang Kasal ni Paulita

Ika-walo na ng gabi. Nasa daan pa si Basilio ng maisip na makituloy sa kaibigang si Isagani. Ngunit hindi pala umuwi ang kaibigan sa buong araw na iyon.

Dalawang oras na lang at sasabog na ang ilawan ni Simoun. Marami tiyak ang mamamatay. Sinalat ni Basilio ang kanyang rebolber at naalala ang babala ni Simoun na lumayo siya sa daang Anloague.

Ang bahay ni Kapitan Tiyago ay nasa daang iyon. May binanggit na kasayahan si Simoun kung saan sa bahay na iyon idaraos ang piging sa kasal nina Paulita at Juanito.

Nakita niya ang pagdating ng sasakyan ng bagong kasal. Naisip niya ang kaibigang si Isagani. Naawa siya rito at naisip na yakaging sumama sa himagsikan. Ngunit naisip din niya na malamang ay di papayag si Isagani dahil hindi pa naman nito naranasan ang mga naranasan ni Basilio.

Muli niyang naalala ang kanyang pagkabilanggo, ang kabiguan sa pag-aaral, at ang nangyari kay Huli. Saka muling hinaplos ang puluhan ng rebolber at ninasang dumating na sana ang sandaling hinihintay.

Dumating ang sasakyan ni Simoun kasama ang kutserong si Sinong. Sumunod sila sa sasakyan ng bagong kasal.

Nagtungo din si Basilio sa Anloage sa bahay ni Kapitan Tiyago. Doon kasi gaganapin ang hapunan at nandoon din ang Kapitan Heneral na ninong sa kasal. Dala naman ni Simoun ang ilawan na kanyang handog.

Sa bahay ni Kapitan Tiyago ay makikita sa mga dingding ang mga magagarang palamuting papel, aranya, at mga bulaklak. Ang kurtina sa bahay ay may pulang pelus na nabuburdahan ng ginto at may unang titik ng pangalan ng mag-asawa.

Napakagara ng bahay na iyon. Parang hapag ng mga diyoses ang pagdarausan ng hapunan. Para sa mga dakilang panauhin ang mesa at ang mga diyus-diyusan ay sa asotea nakalagay. Pipito ang doon ay nakaupo. Naroon ang pinakamasarap at mahal na alak. Ubos-kaya si Don Timoteo, ang ama ng lalaking ikinasal.

Talasalitaan

·         Bumabaha – umaapaw

·         Gumigiit – pumipilit

·         Lasug-lasog – wasak, punit-punit, durog

·         Mawaglit – mawala

·         Nasinagan – nasikatan

·         Pagdarausan – paggaganapan

·         Puluhan – tangkay, tatagnan, bitbitan

·         Pumpon – kumpol, bungkos



El Filibusterismo Kabanata 35 – Ang Piging

Ikapito ng gabi nang simulang dumating ang mga bisita sa bahay ni Kapitan Tiyago kung saan naroon ang piging para sa ikinasal. Unang dumating ang maliliit na tao hanggang sa may malaking katayuan sa tungkulin at sa kabuhayan. Lahat ng mga bisita ay pinagpupugayan ni Don Timoteo.

Dumating na rin ang bagong kasal kasama si Donya Victorina. Si Padre Salvi ay naroon na ngunit wala pa ang Heneral. Pupunta sana sa palikuran si Don Timoteo ngunit di siya makaalis dahil wala pa ang Heneral.

Mayroong pumintas sa mga kromo sa pader. Nagalit ang Don at sinabing iyon daw ang pinakamahal na mabibili sa Maynila. Kinabukasa’y sisingilin daw niya ang utang ng pumintas.

Dumating na rin ang Heneral. Nawala ang mga dinaramdam ni Don Timoteo. Si Basilio naman ay nasa harap ng bahay at pinapanood ang mga nagdaratingan. Naawa siya sa mga inakala niyang mga walang malay na mamamatay roon kaya naisip niyang bigyan sila ng babala. Ngunit ng makita niya sina Padre Salvi at Padre Irene ay nagbago ang kanyang isip.

Nakita rin ni Basilio si Simoun na dala ang ilawan. Kakila-kilabot ang anyo ni Simoun na naliligid ng apoy at parang nag-aalinlangan din ito sa pagpanhik. Ngunit nang magtuloy ay sandali niyang kinausap ang Heneral at iba pang mga bisita. Saka siya nawala sa paningin ni Basilio.

Nalimot na naman ni Basilio ang kapighatiang dinanas ng kanyang ina, kapatid, at ni Huli. Namayani ang kanyang kabutihang loob at ninais na iligtas ang mga nasa bahay ngunit siya’y hinadlangan ng mga tanod dahil sa marusing niyang anyo.

Namutla si Simoun nang makita si Basilio na iniwan ng tanod-pinto upang magpugay sa kanya. Ang mukha niya’y tila nagsasabi na tumuloy sa sasakyan at nag-utos na, “Sa Eskolta. Matulin!”

Mabilis na lumayo si Basilio ngunit may nakita siyang lalaki na nakatanaw sa bahay. Si Isagani pala iyon kaya niyaya niya itong lumayo. Ipinaliwanag niya ang tungkol sa ilawan saka hinila si Isagani.

Ngunit na mabilis na nagpasya ang binata ng makitang nagpupuntahan na sa kainan ang mga bisita. Naisip niya na kasamang sasabog sa bahay si Paulita.

Sa loob ng bahay ay may nakita ang mga nagpipiging na isang kaputol na papel na ganito ang nakasulat.

MANE THACEL PHARES

JUAN CRISOSTOMO IBARRA

Ani Don Custodio ay isang biro lamang iyon dahil matagal nang patay si Crisostomo Ibarra. Ngunit ng Makita ni Padre Salvi ang papel at ang nakasulat doon ay namutla ito. Lagda daw iyon ni Ibarra kaya napahilig siya sa sandigan ng silya saka nanlambot sa takot.

Magpapatawag sana ng mga kawal ang Kapitan Heneral ngunit ng walang makita kundi mga utusan na hindi niya naman kilala ay sinabi na lamang nito na magpatuloy sa pagkain at wag intindihin ang ganoong klaseng pagbibiro. Ngunit ang Heneral ay nagkunwari lamang na hindi takot kahit pa ang lahat sa loob ng bahay ay takot na takot sa nasaksihan.

Maya-maya’y nagsalita si Don Custodio. Sa wari daw niya’y ang kahulugan ng sulat ay papatayin silang lahat noong gabing iyon.

Hindi sila lahat nakakibo. May nagsabi na baka lasunin sila kaya binitawan ang mga hawak na kubyertos. Siya namang paglabo ng ilawan.

Anang Kapitan Heneral kay Padre Irene ay itaas nito ang mitsa ng ilawan. Bigla namang may mabilis na pumasok, tinabig ang utusang humadlang dito, saka kinuha ang ilawan, itinakbo sa asotea, at itinapon sa ilog. May nagsabing magnanakaw daw iyon at may nanghingi pa ng rebolber.

Ang anino naman na kumuha sa ilawan ay tumalon rin sa ilog.

Talasalitaan

·         Lumagpak – bumagsak, nahulog

·         Nagbabantulot – nag-aalinlangan

·         Nagbuwal -nabagsak

·         Panibugho – inggit, selos

·         Pumanhik – umakyat



El Filibusterismo Kabanata 36 – Mga Kapighatian ni Ben Zayb

Matapos malaman ang pangyayari ay patakbong nagtungo si Ben-Zayb sa kanyang bahay. Mula sa bahay ni Kapitan Tiyago ay umuwi si Ben Zayb sa kanila. Hindi siya natulog ng gabing iyon. Nagtiis siyang iwan ang hapunanan at sayawan.

Sa kanyang pagsusulat ay tila gumagawa si Ben-Zayb ng panibagong istorya. Ayon sa kanyang pagkakasalaysay, ang Heneral ay naging bayani, ang pagsuot ni Padre Irene sa ilalalim ng mesa ay naging udyok ng katapangan dahil ginawa niya ito sa patatangkang paghuli sa nagkasala. Kay Don Custodio naman ay inalala ang katalinuhan at paglalakbay, samantalang ang pagkahimatay ni Padre Salvi ay gawa umano ng malaking dalamhati ng mabait na Pransiskano.

Ngunit matapos niyang isulat ng lahat ng iyon ay ibinalik sa kanya ng patnugon ng pahayagan ang kanyang sinulat. Ipinagbawal pala ng Kapitan Heneral ang pagbanggit sa nangyari nang gabing iyon.

May balita naman mula sa Pasig na nilusob daw ng maraming tulisan ang bahay-pahingahan ng mga prayle at nakatangay ng may dalawang libong piso. Malubha umano ang prayle at dalawang utusan nito.

Muli na namang umandar ang imahinasyon ni Ben Zayb. Gagawin daw niyang bayani ang isang kura na sa pagtatangol ay nagkasira-sira ang isang silyang ginamit laban sa mga tulisan.

Agad siyang nagtungo sa Pasig at doon ay natagpuan niyang sugatan si Padre Camorra. May isang maliit na sugat sa kamay at may pasa sa ulo ang pari. Tatlo diumano ang mga magnanakaw na may dalang gulok at limampung piso ang nanakaw.

Ayon kay Ben Zayb ay hindi tama ang salaysay ni Padre Camorra. Kailangan daw gawing marami ang mga tulisan.

Samantala, may nadakip sa mga tulisan. Pinaamin ito at sinabing sila raw ay inanyayahang sumama sa pangkat nina Matanglawin upang sumalakay sa kumbento at mga bahay ng mayayaman. Isang Kastila na mataas, kayumanggi, puti ang buhok at ang pasabi ay kumikilos sa utos ng Kapitan Heneral na kaibigan niyang matalik ang diumano’y mangunguna sa kanila. Katulong pa raw nila ang mga artilyero kaya wala raw dapat ikatakot.

Ang hudyat pa nga daw ay isang malakas na putok ngunit dahil walang putok na narinig ay inakala nilang nilinlang sila ng kanilang tagapanguna. Ang ilan daw sa kanilang mga kasama ay nagsibalikan na sa bundok. Binalak nilang maghiganti sa umano’y Kastilang makalawa beses na umanong lumoko sa kanila. Kaya naman ang tatlong tulisan ay nagpasyang manloob.

Ayaw paniwalaan ang tulisan sa kanyang paglalarawan na si Simoun ang kanilang pinuno. Si Simoun naman ay hindi matagpuan sa kanyang bahay. Marami silang nakitang bala at pulbura doon.

Samantala, si Don Custodio ay naghanda ng habla laban sa mag-aalahas. Mabilis na kumalat ang balita tungkol kay Simoun. Maraming tao ang di makapaniwala sa kanilang nabalita.

Talasalitaan

·         Entreswelo – mesanin, isang silid na mas mababa sa pangalawang palapag

·         Kalakip – kasama

·         Nilooban – ninakawan

·         Pagkatigal – pagkabigla

·         Tinuligsa – binatikos



El Filibusterismo Kabanata 37 – Ang Hiwagaan

Sa kabila ng pagpipigil sa balita sa mga kaganapan noong gabi sa piging ay nalaman pa rin ito ng madla. Naging usap-usapan ito ng lahat ngunit palihim nga lamang.

Ang payat na platerong si Chikoy ay nagdala kasi ng hikaw kay Paulita. Tinatanggal na noon ang mga palamuti at sa mga hapag sa bahay ni Kapitan Tiyago at nakita niya mismo ang maraming supot na pulbura sa ilalim ng mesa, sa silong, sa bubungan, at sa likod ng mga upuan.

Ayon daw kay Ginoong Pasta ay iisa ang maaring gumawa ng gayon. Maaring isang kaaway ni Don Timoteo o kaagaw ni Juanito kay Paulita.

Binalaan agad ng may-ari ng bahay na si Kapitan Loleng kung saan nanunuluyan si Isagani na magtago ito.

Ngunit ngumiti lamang ang binata.

Ipinagpatuloy ni Chikoy ang pagbabalita. Aniya, dumating daw ang mga sibil ngunit wala namang mapagbintangan. Si Don Timoteo lamang daw at si Simoun ang nangasiwa sa pag-aayos ng bahay na pinagdausan ng piging. Pinaalis daw ang lahat ng mga di kailangan sa imbestigasyon.

Natakot ang mga babaeng nakikinig sa ibinalita ni Chikoy. Hinulaan nila kung sino ang may kagagawan ng lahat. May nagsabing ang mga prayle daw. Ang iba ay si Quiroga daw, o kaya ay ang mga mag-aaral. Baka daw si Makaraig. At tumingin si Kapitan Toringgoy kay Isagani.

Ang sabi ni Chikoy, ayon daw sa ilang kawani ay si Simoun ang may kagagawan noon. Kaya naman nagtaka ang lahat.

Biglang naalala ni Momoy, isa sa mga dumalo sa piging, ang pag-alis ni Simoun bago magsimula ang hapunan.

Ang sabi naman ni Chikoy ay nawawala daw si Simoun at kasalukukang pinaghahahanap ng mga sibil. Lalong nabuo sa isip ng mga kababaihan ang pagiging demonyo ni Simoun na nagkatawan umanong tao.

Dagdag pa ni Chikoy, iniisip umano ng mga may kapangyarihan na ang ilawan ang siyang magpapasiklab sa pulbura na nasa buong kabahayan. Biglang natakot si Momoy ngunit nang makita ang kasintahan na si Siensa na nakatingin sa kanya ay nagtapang-tapangan ito.

Makaraan ng ilang sandali ay nagpaalam na si Isagani at umalis. Hindi na ito kaylan man bumalik pa sa kanyang amain.

Talasalitaan

·         Buktot – nakakatakot

·         Platero – gumagawa ng alahas



El Filibusterismo Kabanata 38 – Kasawiang-palad

Kinuha ng Pamahalaan ang lahat ng pinaghinalaang tulisan para maitago ang kanilang kahinaan. Matapos ang pagsalakay ni Kabesang Tales ay anim o pitong mga magsasaka ang dinakip ng mga sibil saka pinalakad sa init ng araw.

Sampu o labindalawang mga gwardia sibil naman na mga Pilipino ang nang-aabuso sa mga bilanggo at pilit na pinapaamin na sila ang mga tulisan. Abot-siko at kabit-kabit ang gapos ng mga ito na inilakad nang tanghaling tapat sa kainitan ng Mayo na walang sombrero at panyapak.

Kapag may natumba at mabagal ang paglakad ng mga bilanggo ay binugbog sila at pilit na pinapatayo. Nilalait pa ng ilang sibil ang mga bihag.

Ayon kay Mautang, isa sa mga Pilipinong sibil, may karapatan silang abusuhin ang mga bilanggo dahil magkapareho lang ang kanilang nasyonalidad.

May ilang mga tulisan na lumusob sa kanilang paglalakbay at sinimulan ang pagpalitan ng putok.

Namatay si Mautang at ilang mga gwardiya sibil.

May isang tao na nakatayo sa itaas ng bundok na iwinawasiwas ang baril. Inutusan ng kabo si Carolino na barilin iyon.

Mukhang kilala ni Carolino kung sino ang taong nasa bundok ngunit hindi niya masyadong maaninagan dahil sa init ng araw.

Nang tingnan niya ang mga nakahandusay, nakita niya sa mga iyon ang kanyang lolo Selo. Nakatingin ito kay Carolino habang nakaturo ang daliri sa likod ng talampas.

Namutla si Carolino. Hindi niya inaasahang siya ang makakapatay sa kanyang ingkong.

Talasalitaan

·         Iika-ika – pipilay-pilay

·         Kabyawan – asukarera

·         Kapasete – helmet

·         Pagtudla – pag-asinta

·         Walang kaabug-abog – biglaan



El Filibusterismo Kabanata 39 – Katapusang Kabanata

Ang Padre Florentino ay malungkot na tumugtog ng kanyang armonyum. Umalis si Don Tiburcio de EspadaƱa sa pag-aakalang siya ang Kastilang tinutukoy sa telegrama na darakpin daw sa gabing iyon. Akala niya’y natunton na siya ni Donya Victorina na kanyang asawa.

Isang telegrama ang pinabasa ng tenyente ng guwardiya sibil sa bayan kay Padre Florentino. Anang telegram, “Espanyol escondido casa Padre Florentino cojera remitara vivo muerte”.

Si Simoun talaga ang tinutukoy sa telegrama. Sugatang dumating sa bayan nina Padre Florentino si Simoun may dalawang araw na ang nakararaan. Di na siya inusisa ng pari. Walang alam ang pari tungkol sa mga kaganapan noong gabi ng piging sa Maynila.

Ang akala ng pari ay kaya sugatan si Simoun sapagkat may naghiganti dito sa kadahilanang wala na ang Kapitan Heneral. Ngunit paliwanag ni Simoun ay nagkasugat lamang siya dahil sa kawalan ng pag-iingat.

Nang matanggap ng pari ang tlegrama ay naghinala ito na si Simoun ay tumakas sa mga kawal na tumutugis sa kanya sa Maynila.

Si Simoun naman ay ayaw magpagamot sa ospital ngunit pumayag na mag-paalaga kay Dr. De EspadaƱa. Malubha ang sugat na natamo ni Simoun.

Itinigil ni Padre Florentino ang pagtugtog at inisip ang kahulugan ng pakutyang ngiti ni Simoun nang mabatid nito ang tungkol sa telegrama at sa ikawalo ng gabi ang dating mga darakip. Sa isip ng pari ay taong palalo daw si Simoun na dati’y makapangyarihan ngunit ngayon ay kahabag-habag.

Inisip din niya kung bakit sa kanya na isang paring Pilipino ninais ni Simoun na mamalagi at magtago gayong dati’y napakababa ng tingin sa kanya nito.

Di kasi pinansin noon ni Simoun ang pakisuyo ng pari na tulungang makalaya si Isagani sa kulungan dalawang buwan na ang nakararaan. Ikinalungkot din ni Isagani ang pagkakadali ng kasal ni Paulita at Juanito sa tulong ni Simoun. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito maging ang pagtulong ni Padre Florentino kay Simoun ay tila ba walang pagnanasang mailigtas ni Simoun ang sarili.

Pumasok ang pari sa silid ni Simoun at tila wala na ang mapangutyang anyo sa mukha nito. Uminom pala ng lason si Simoun at wari’y tinitiis ang sakit na dulot nito.

Tinangka pa ng pari na ihanap ng lunas si Simoun ngunit tumanggi na ito. Nagdasal ang pari at pagkatapos ay buong kabanalang kanyang inilapit ang isang silyon sa maysakit, at tumalagang makinig.

Dito na ipinagtapat ni Simoun ang tunay niyang katauhan. Halos nasindak ang pari. Malungkot na ngumiti ang maysakit. Tinakpan ng pari ng panyo ang mukha at tumungo upang makinig. Isinalaysay ni Simoun ang kanyang buhay.

Labintatlong taon siyang tumigil sa Europa upang mag-aral saka bumalik sa Pilipinas na puno ng pangarap at pag-asa. Napatawad na niya noon ang mga nagkasala sa kanyang ama at piniling mabuhay ng tahimik at mapayapa. Ngunit isang kaguluhan ang dumating sa kanyang buhay at sa isang iglap ay nawala sa kanya ang kanyang pangalan, yaman, pag-ibig, kinabukasan, at kalayaan. Naligtas lamang siya sa kamatayan sa tulong ng isang kaibigan.

Tinangka daw niyang maghiganti. Nagpunta siya sa ibang bansa dala ang bahagi ng kayamanan ng kanyang magulang at siya’y nangangalakal.

Sumali daw siya sa himagsikan sa Kuba. Nakilala niya roon ang Kapitan Heneral na noon ay Kumandante pa lamang. Pinautang siya at naging matalik na kaibigan dahil sa kawalang hiyaan ng kapitan na siya lang ang nakaaalam.

Sa tulong umano ng salapi ay nakuha niyang maging kaibigan ang Kapitan Heneral at naging sunud-sunuran pa sa kanya.

Marami pang pagtatapat na sinabi si Simoun na inabot na ng gabi nang matapos. Saglit na nanahimik at inihingi ng tawad ng pari ang mga pagkukulang ni Simoun. Hiniling din ng pari na igalang ng mag-aalahas ang kalooban ng Diyos.

Makaraan ay nagtanong si Simoun kung bakit hindi siya tinulungan ng Diyos sa kanyang layunin. Ang sabi ng pari ay dahil masama ang kanyang pamamaraan saka nagpaliwanag.

Tinanggap ni Simoun ang mga sinabi ng pari. Inaming siya’y nagkamali at naitanong na dahil ba sa pagkakamaling iyon ay ipagkakait na ng Diyos ang kalayaan ng isang bayan at ililigtas ang napakaraming higit pang salarin kaysa sa kanya?

Tumugon ang pari at sinabing ang matatapat at mababait ay nararapat na magtiis nang ang mga adhika nila ay makilala at lumaganap. Ang nararapat na gawin ay magtiis at gumawa.

Napailing lamang si Simoun. Madali lamang daw sabihin ang magtiis at gumawa sa mga taong hindi pa nakararanas ng ganoon. Natanong pa ni Simoun na anong klaseng Diyos daw ang humingi ng ganoon kalaking pagpapasakit.

Sinabi naman ng pari na ito raw ang isang Diyos na makatarungan at nagpaparusa sa kakulangan ng tao ng pananalig at sa mga gawang masama. Dagdag pa niya,

“Pinabayaan natin ang kasamaan kaya’t katulong tayo sa paglikha nito. Ang kalayaan ay di natin dapat tuklasin sa tulong ng patalim. Tuklasin natin ito sa tulong ng nagpapataas ng uri ng katwiran at karangalan ng tao. Gumawa tayo ng mabuti, tapat at marangal hanggang mamatay tayo dahil sa kalayaan.”

Pinisil ni Simoun ang kamay ng pari. Naghari ang katahimikan. Dalawang pisil pa. Nagbuntong hininga si Simoun at higit na mahabang katahimikan ang namayani.

Napabulong na lamang ang pari ng,

“Nasaan ang kabataang naglalaan ng magagandang sandali, ng kanilang mga pangarap at kasiglahan alang-alang sa ikabubuti ng kanilang bayan? Saan naroon ang handang magpakamatay upang hugasan ng dugo ang napakaraming pagkakasala? Upang karapatdapat ang pagpapakasakit ito’y kailangang malinis at busilak. Nasaan ang kabataang may lakas na tumanan na sa aming mga ugat, ng kalinisan ng diwa na narumihan na sa amin, ng apoy ng sigla na patay na sa aming puso? O kabataan, kayo’y aming hinihintay!”

Naluha ang pari at binitawan ang kamay ni Simoun. May kumatok na utusang nagtanong kung magsisindi na ng ilawan. Hinipo niya si Simoun at dahil sa liwanag ng lampara ay nabatid na ito ay patay na. Lumuhod at nanalangin si Padre Florentino.

Pagkaraan ay tinawag ng pari ang mga utusan, pinaluhod ang mga ito at pinagdasal. Umalis ang pari sa silid at kinuha ang takbang bakal ni Simoun. Dinala niya ito sa talampas na laging inuupuan ni Isagani upang sisirin ng tingin ang kalaliman ng dagat.

Maya-maya’y inihagis ni Padre Florentino ang mga takba ng brilyante at alahas ni Simoun sa dagat.

Talasalitaan

·         Dalumat – dila

·         Gubat – giyera

·         Kahalangdon – dignidad

·         Lubong – lamay

·         Mabudhion – traydor

·         Magtutudlo – propesor

·         Pahamatngon – banta

·         Pinuy’anan – tahanan

·         Pusil – baril

·         Suba – ilog

·         Ulipon – alipin