El
Filibusterismo Buod ng Bawat Kabanata (1-39) + Talasalitaan
Ang
El Filibusterismo o Ang Paghahari ng
Kasakiman sa wikang Filipino ay karugtong o sikwel ng Noli Me
Tangere. Ang nobelang ito ay isinulat ni Dr. Jose Rizal na inialay niya sa
tatlong paring martir na kilala sa bansag na Gomburza (Padre
Gomez, Burgos, at Zamora). Ito ay orihinal na nakasulat sa wikang Kastila na
isinulat niya noong Oktubre ng 1887 habang nagpapraktis ng medisina sa Calamba,
Laguna.
Natapos niya ang nobelang ito noong
Marso 29, 1891 na inilathala rin ng taon ding iyon. Isang kaibigan na
nagngangalang Valentin Ventura ang nagpahiram diumano ng pera kay Rizal upang maipalimbag
at mailathala ng maayos ang aklat noong Setyembre 22, 1891.
Sinasabing ang El Filibusterismo ay
isang nobelang pampulitika na naglalayong magmulat sa kaisipan at mang-gising
sa damdamin ng mga mambabasa upang ang hangaring makapagtamo ng tunay na
kalayaan at karapatan ng bayan ay makamtan.
Ilan
sa mga panganuhaing tauhan dito ay sina Simoun (Juan Crisostomo Ibarra),
Basilio, Padre Salvi, at marami pang iba.
Samantala, narito naman ang aming
bersyon ng El Filibusterismo buod ng bawat kabanata pati na rin ang mga
talasalitaan na ginamit dito.
Nawa ay makatulong sa inyo ang mga
buod na ito. Huwag kalimutang ibahagi sa iba.
El Filibusterismo Buod ng Bawat
Kabanata at mga Talasalitaan
Naglalayag sa ilog Pasig ang Bapor
Tabo isang umaga ng Disyembre. Patungo ito sa Laguna at lulan sa ibabaw ng
kubyerta sina Don Custodio, Ben Zayb, Donya Victorina, Kapitan Heneral, Padre Irene,
Padre Salvi, at Simoun.
Mataas ang tingin ng mga tao kay
Simoun dahil na rin alam nila, lalo na ng mga tao sa Maynila, na
naiimpluwensiyahan nito ang Kapitan Heneral.
Dahil sa kabagalan ng bapor habang
sila’y naglalakbay ay napag-usapan sa ibabaw ng kubyerta ang pagpapalalim ng
ilog Pasig.
Sa kanilang usapan ay iminungkahi ni
Simoun na gumawa ng tuwid na kanal na mag-uugnay sa lawa ng Laguna at sa look
ng Maynila.
Nagkasagutan sila ni Don Custodio na
isang opisyal na konsehal at nagbigay ng solusyon na kumbinsihin na lang
diumano ang mga tao na mag-alaga ng itik. Kinakain daw kasi ng mga itik ang mga
suso sa ilog. Sa ganitong paraan, huhukayin daw ng mga tao ang ilog upang may makuhang
suso na kanilang ipapakain sa mga alagang itik.
Ngunit hindi nagustuhan ni Donya
Victorina ang naturang suhestyon dahil nadidiri siya sa balot.
Talasalitaan
·
Garote – bitayan na ang isang lubid na nakasilo sa
leeg ng bibitayin ay napipilipit ng isang pamihit sa likod ng bibitayin
hanggang mamatay sa sakal
·
Kubyerta – bahagi ng bapor
·
Pagpugay – paggahasa, pang-rape
·
Pagtutsada – pagmumura nang may paghamak
·
Panukala – mungkahi, balakin
·
Paring regular – uri ng pari, kasama sa orden o korporasyon
·
Paring sekular – uri ng pari, karaniwa’y Pilipino na walang
kinasasapiang samahan o orden
·
Tandisan – tuwiran, harapan
·
Tikin – mahabang payat na kawayan na ginagamit sa
pagpapatakbo ng sasakyang-pantubig sa pamamagitan ng mga bisig
Uldog – pari, prayle
Uldog – pari, prayle
Pumunta si Simoun sa ilalim ng
kubyerta. Palibhasa’t lahat ng gamit at mga kargamento ay doon din matatagpuan
kaya naman masikip masikip sa lugar na iyon para sa mga pasahero.
Naroon sa ilalim ng kubyerta ang
dalawang estudyate na sina Basilio na nag-aaral ng medisina at mahusay nang
manggamot, at si Isagani na isang makata at katatapos pa lamang sa Ateneo.
Kausap ng dalawa si Kapitan Basilio
kung saan nadaanan ng kanilang pag-uusap si Kapitan Tiyago. Pinauwi raw siya,
ani Padre Irene na naging tagapayo ng kapitan nitong nga huling araw.
Napunta naman ang usapan sa paaralang
balak ng mga estudyante tungkol sa pagtuturo ng mga Kastila. Ayon kay Kapitan
Basilio ay hindi raw ito magtatagumpay. Tutol naman dito ang dalawang binata.
Maya-maya pa’y lumayo na si Kapitan Basilio.
Noo’y napag-usapan nila si Paulita
Gomez, ang kasintahan ni Isagani na maganda, mayaman at may pinag-aralan na
pamangkin ni Donya Victorina. Ipinahahanap ng Donya kay Isagani ang kanyang asawa
na si Don Tiburcio de Espadaña. Ito ay nasa bahay pa ni Padre Florentino na
amain ng binata, nagtatago.
Ilang sandali pa’y dumating si Simoun
at kinausap ng magkabigan. Agad na ipinakilala ni Basilio kay Simoun si
Isagani.
Ani Simoun, hindi niya nadadalaw ang
lalawigan nina Basilio dahil ang kanilang lalawigan ay mahirap at di makabibili
ng alahas.
Tinutulan naman ito ni Isagani at
sinabing hindi sila namimili ng alahas dahil hindi naman nila kailangan.
Napangiti si Simoun sa sinabi ng binata. Paliwanag niya, dukha daw ang
lalawigang nabanggit niya dahil ang mga pari sa simbahan ay Pilipino.
Inanyayahan ni Simoun ang magkaibigan
sa pag-inom ng serbesa ngunit ito’y tinanggihan ng dalawa. Ayon kay Simoun,
sinabi umano ni Padre Camorra na kaya tamad ang mga Pilipino ay dahil pala-inom
ng tubig at hindi ng serbesa.
Tinugon siya ni Basilio at sinabing,
“sabihin ninyo kay Padre Camorra na kung siya ay iinom ng tubig sa halip ng
serbesa, marahil ay mawawala ang sanhi ng mga usap-usapan.”
Dagdag pa ni Isagani, “lumuluhod sa
alak at sa serbesa na pumapatay ng apoy; na kapag pinainit ay sumusulak;
nagiging malawak na dagatan at gumugunaw ng santinakpan.”
Tinananong naman ni Simoun kung ano
ang itutugon niya sakaling itanong ni Padre Camorra kung kailan magiging sulak
at malawak na karagatan ang tubig.
Sinagot siya ni Isagani ng “kapag
pinainit ng apoy; sa sandaling ang mumunting ilog na watak-watak ay
magkakasamasama sa kailalimang hinuhukay ng tao.”
Binigkas din ni Basilio ang isang
tula ni Isagani tungkol sa pagtutulong ng apoy at tubig sa pagpapatakbo sa
makina (steam engine). Ngunit ayon kay Simoun ay pangarap daw iyon dahil ang
makina ay hahanapin pa.
Nang umalis na si Simoun ay saka
lamang nakilala nang lubusan ni Isagani ang mag-aalahas na tinatawag ding
Kardinal Moreno.
Pamaya-maya pa’y may dumating na
utusan upang ipatawag ang pamangkin ni Padre Florentino. Ngunit nakita ng
kapitan ang pari kaya ito ay inanyayahang pumanhik sa ibabaw ng kubyerta.
Talasalitaan
·
Alintana – iniinda
·
Makihalubilo – makisama
·
Namula – napahiya
·
Paurong – paatras
·
Pinagpupugayan – ibinabalik ang pagbati
·
Sagabal – hadlang
·
Sumabat – sumingit
·
Sumugat – nakasakit
·
Tutulan – tatangihan
·
Umiral – namayani
Naabutan ni Padre Florentino na
nagtatawanan ang mga tao sa itaas ng kubyerta. Pinag-uusapan ng mga pari ang
pagkamulat ng mga Pilipino at pag-uusig sa mga bayarin sa simbahan.
Pagkaraan ay dumating si Simoun.
Aniya, sayang raw at hindi niya nakita ang mga dinaanan ng bapor. Wala daw
kwenta sa kanya ang alinmang pook na kanyang makikita kung wala rin namang
alamat ang mga ito.
Kaya naman sinimulang isalaysay ng
Kapitan ang alamat ng Malapad-na-Bato.
Anang Kapitan, ito daw ay banal sa
mga katutubo noong una bilang tahanan ng mga espiritu. Nang tirahan daw ito ng
mga tulisan ay nawala ang takot sa espiritu, sa halip ay nasalin sa mga tulisan
ang takot.
Nabanggit ng Kapitan ang alamat
tungkol kay Donya Geronima at inanyayahan na si Padre Florentino ang
magsalaysay ng alamat.
May magkasintahan umano sa Espanya at
ang lalaki ay naging arsobispo sa Maynila. Nagbalatkayo daw ang babae, sinundan
ang kasintahan sa Maynila at hinihiling na sundin nito ang pangako na
magpakasal sila.
Ngunit may ibang naisip ang
arsobispo. Sa halip na pakasal ay itinira niya ang babae sa isang yungib na
malapit sa Ilog Pasig.
Nagandahan si Ben Zayb sa alamat.
Nainggit naman si Donya Victorina at ibig ding manirahan sa kweba.
Tinanong ni Simoun si Padre Salvi ng,
“Sa inyong palagay, hindi ba higit na mainam ay ilagay sa isang beateryo tulad
ni Sta. Clara?” Sinagot ng pari ang tanong ni Simoun at sinabing hindi daw siya
makakahatol sa mga ginawa ng isang arsobispo.
Upang mabago naman ang kanilang
usapin ay isinalaysay ang alamat ni San Nicolas na nagligtas sa isang Intsik sa
pagkamatay sa mga buwaya. Naging bato diumano ang mga buwaya ng dasalan ng
Intsik ang santo.
Nang datnan ng bapor ang lawa ay
nagtanong si Ben Zayb sa Kapitan kung saan banda doon napatay ang isang
Guevarra, Navarra o Ibarra.
Itinuro naman ng Kapitan kung saan.
Sa tubig ay naghanap pa ng bakas si Donya Victorina ng pagkamatay kahit
labingtatlong taon na ang nakalilipas mula ng mangyari iyon.
Ayon kay Padre Salvi, nakasama daw ng
ama ang bangkay ng kanyang anak. Dagdag naman ni Ben Zayb, ‘yon daw ang
pinakmurang libing. Kaya naman nagtawanan ang iba.
Namutla naman si Simoun at walang
kibo. Ipinagpalagay na lamang ng Kapitan na nahihilo ito dahil sa paglalakbay.
Talasalitaan
·
Baging – halamang gumagapang
·
Bangketa – handaan
·
Muog – pader
·
Sinisiyab – binabangga
·
Taripa – buwis
Si Tandang Selo na umampon noon sa
gubat kay Basilio ay matanda na. Ang anak nitong si Kabesang Tales ay isa nang
Kabesa de Baranggay. May tatlo itong anak, sina Lucia, Tano, at Juli. Namatay
si Lucia at ang kanyang asawa dahil sa malaria. Sina Tano at Juli na lamang ang
buhay.
Yumaman na sila dahil sa tiyaga.
Nakisama si Kabesang Tales sa namumuhunan sa bukid at nang makaipon ng kaunti
ay nagbungkal ng lupa sa gubat. Nang maipagtanong na walang may-ari sa naturang
lupa ay ginawa niya itong tubuhan.
Inisip din niyang pag-aralin na sa
kolehiyo si Juli upang mapantay kay Basilio na kasintahan nito.
Nang umunlad ang bukid ay inangkin
ito ng mga prayle at pinagbayad ng buwis si Kabesang Tales. Tinaasan ng
tinaasan ng mga pari ang buwis at nang di na kinaya ng Kabesa ay nakipag-asunto
ito sa mga prayle.
Dinala ni Kabesang Tales sa korte
upang maayos ang problema. Ngunit natalo ang Kabesa dahil nasa ilalim ng
impluwensya ng mga prayle ang gobyerno.
Nang tuluyan nang hindi makabayad ng
buwis si Kabesang Tales ay ipinaglaban pa rin niya ang lupa sa pamamagitan ng
pagbabantay dito.
Sa kanyang pagbabantay ay nagdala
siya ng baril na kinumpiska ng prayle. Sumunod ay itak naman ang kanyang dinala
ngunit ipinagbawal itong muli ng mga pari. Sa huli ay palakol na lamang ang
dinala ng Kabesa sa pagbabantay.
Kalaunan ay dinakip ng mga tulisan si
Kabesang Tales dahil may perang nakita sa kanya at nakakapagbayad ng abogado
para sa kaso niya. Ipinatubos naman siya sa halagang 500.
Upang may maipantubos sa ama ay
ibinenta ni Julia ang kanyang mga alahas liban sa bigay ng kanyang nobyo na
isang laket na pagmamay-ari ni Maria Clara.
Nang di sumapat ang perang pantubos
ay namasukan siyang katulong sa tahanan ni Hermana Penchang.
Bisperas noon ng Pasko kaya
kinabukasan ay maninilbihan na siya bilang isang alila. Dahil sa pangyayaring
ito ay hindi na nakapag-aral si Juli.
Masalimuot naman ang naging panaginip
ng dalaga ng gabing iyon.
Talasalitaan
·
Buwis – tungkulin; bayad sa gobyerno; tax
·
Gulok – isang malaking kutsilyo; bolo
·
Kabesa de Barangay – pinuno ng Nayon noong panahon ng Kastila
·
Manilbihan – maglingkod
·
Naidlip – nakatulog
·
Nilinang – tinamnan
·
Pag-asenso – pag-unlad
·
Palayok – isang lalagyan para sa pagluluto; kaldero
·
Pusod – gitna
·
Sinamsam – kinuha o ipinatapon
·
Tulisan – taong humaharang sa mga taong naglalakbay
upang magnakaw
Gabi na noon at kasabay ng pag-uwi ni
Basilio sa bayan ng San Diego ay ang nagaganap na prusisyong pang-noche Buena.
Nalimutan ng kutserong si Sinang ang kanyang sedula kaya’t ito’y kinakailangang
bugbugin muna ng mga guwardiya sibil.
Pagkatapos ay napag-usapan nila ang
imahen ni Metusalem, ang pinaka-matandang taong nabuhay sa mundo. Kasunod
nito’y idinaan ang mga imahen ng tatlong Haring Mago. Dahil dito’y naalala ni
Sinang si Haring Melchor na kayumanggi ang balat.
Itinanong ng kutsero kay Basilio kung
nakawala na ang kanang paa ni Bernardo Carpio na naipit sa kabundukan ng San
Mateo. Pinaniniwalaan kasi na hari ng mga Pilipino si Bernardo Carpio na
makakapagpalaya diumano sa bayan.
Pagkaraan ay nadaan rin nila ang
ilang mga imahen, ang huli sa mga ito ay ang imahen ng birheng Maria na tila
malungkot.
Nahuli muli si Sinang dahil hindi
niya namalayang namatay na ang ilaw ng kanyang kalesa. Sa pagkakataong ito ay
dinala na sa presinto ang kutsero kaya bumaba na lamang si Basilio at naglakad.
Sa paglalakad ni Basilio ay napansin
niya na wala masyadong parol ang mga bahay at tahimik ang karamihan maliban sa
bahay ni Kapitan Basilio na puno ng kaligayahan. Nakita niya dito ang alperes,
ang kura, at si Simoun.
Nakarating din si Basilio sa bahay ni
Kapitan Tiyago kung saan siya’y binati ng mga katiwala. Ikinuwento ng mga ito
kay Basilio ang tungkol sa mga pangyayari sa bukid kung saan maraming namatay
na hayop at katiwala at sa balitang nadakip si Kabesang Tales, ang ama ng
kanyang nobyang si Juli.
Talasalitaan
·
Ipipiit – ikukulong
·
Karumata – kalesa
·
Karumata – kalesa
·
Kinulata – hinampas; pinukpok ng baril
·
Kutsero – taong nagpapatakbo ng kalesa
·
Natubigan – natigilan
·
Pitagan – paggalang
·
Sambalilo – sumbrero
·
Takba – tampipi
Nang sumapit ang madaling-araw ay
umalis ng tahimik si Basilio sa bahay ni Kapitan Tiyago saka nagtungo sa gubat
ng mga Ibarra. Anibersaryo kasi ng pagpanaw ng kanyang ina sa mismong gubat na
iyon. Ipinagdasal niya ang kaluluwa ng kanyang ina at inalala ang mga angyayari
labing-tatlong taon na ang nakararaan.
Naalala niya na may isang lalaki na
sugatan. Inutusan siyang maghakot ng kahoy na ipansusunog sa kanyang ina at sa
lalaki. May isa ring lalaki na tumulong sa kanya sa paglilibing sa lalaking
sugatan pati na rin sa kanyang ina.
Pagkaraan ng mga pangyayaring iyon ay
umalis na si Basilio sa gubat at lumuwas sa Maynila.
Sa sobrang hiraap at gutom ay ninais
na niyang magpasagasa sa mga karwaheng dumadaan. Sakto namang dumaan ang
karwahe ni Kapitan Tiyago na lulan din si Tiya Isabel. Kapapasok pa lamang ni
Maria Clara noon sa kumbento at pauwi na sana nang madaanan nila si Basilio.
Isinama si Basilio ni Kapitan Tiyago
at naging katulong siya sa bahay nito. Wala siyang sweldo ngunit ang kapalit ng
kanyang paninilbihan ay pinag-aral naman ng Kapitan si Basilio sa Letran.
Sa unang taon ng kanyang pag-aaral ay
wala siyang nabibigkas kundi ang pangalan niya at ang salitang “adsum” o narito
po. Minamaliit din siya doon dahil sa kanyang luma at gulanit na kasuotan.
Gayunpaman ay lagi siyang nagsasaulo ng leksiyon.
Nagkaroon ng isang gurong Dominiko si
Basilio. Minsan ay tinawag niya ang binata upang lituhin ito sa pagtatanong ng
leksyon. Subalit sinagot siya ni Basilio nang tuloy-tuloy at walang
kagatul-gatol. Dahil dito’y tinawag siyang loro ng propesor sa gitna ng
katuwaan ng klase.
Nang minsang bigyan muli ng guro si
Basilio ng katanungan ay nasagot niya muli ang mga ito. Sa pagkakataong ito ay
wala ang inaasahang katatawanan.
Dahil dito’y napahiya ang Dominiko at
sumama ang loob kay Basilio. Nagkaroon pa sila ng alitan at hamunan sa labanang
gagamitan ng sable at baston.
Natutuwa namang iniharap siya ng mga
mag-aaral sa kanilang propesor. Mula noon ay nakilala na at nakatuwaan si
Basilio. Siya ay nagkaroon ng markang sobresaliente.
Dahil masikap sa pag-aaral si Basilio
ay hinikayat siya ni Kapitan Tiyago na lumpat sa Ateneo Municipal. Namumuhi
kasi si Kapitan Tiyago sa mga prayle mula nang magmongha si Maria Clara. Doon
ay pinili ni Basilio ang pag-aaral ng medisina dahil ito rin naman ang kanyang
hilig.
Sa kanyang ikatlong taon ay marunong
nang manggamot ang binata kaya ng makaipon ay nakapagbihis na siya nang maganda
at nakapag-ipon din nang kaunti.
Nasa huling taon na ng pag-aaral ng
medisina si Basilio at kapag nakatapos ng pag-aaral ay pakakasal na sila ni
Juli.
Talasalitaan
·
Aprobado – mainam na marka
·
Bunton – tambak o tumpok
·
Dalamhati – paghihirap ng kalooban
·
Dupikal – sunod-sunod na tunog ng kampana
·
Gatol – hindi nagdadalawang isip o sigurado
·
Naaninag – makita
·
Nauliningan – narinig
·
Pagsisiga – pagsusunog
·
Primer ano – unang
taon
·
Sable – espada
·
Sipilis – isang uri ng sakit na nakukuha sa pakikipag
talik
·
Sobresaliente – pinakamataas o pinakamahusay na marka
·
Tanyag – Sikat
·
Tari – sandata na kinakabit sa paa ng panabong na
manok sa tuwing labanan
·
Tinalunton – hinarap
Uuwi na sana si Basilio nang may
nakita siyang liwanag na paparating at makarinig ng yabag. Nagtago siya sa puno
ng baliti at sa kabilang dako ng punong kanyang pinagtaguan ay tumigil ang
taong dumating. Nagsimula itong maghukay gamit ang asarol.
Nakilala siya ni Basilio. Ang taong
dumating ay ang mag-aalahas na si Simoun. Siya rin ang taong tumulong sa
paglilibing sa kanyang ina at sa lalaking sugatan labing-tatlong taon na ang
lumipas.
Lumabas sa pinagtataguan si Basilio
at lumapit kay Simoun upang tumulong sa paghuhukay. Ngunit tinutukan siya ng
baril ni Simoun at itinanong kung siya daw ba ay nakikilala nito.
Tumugon si Basilio at sinabi na
nakikilala siya nito. Siya diumano ang taong tumulong sa kanya labing-tatlong
taon na ang nakalilipas. Inakaala ng lahat na siyang patay na ngunit kinilala
siya ni Basilio na ang lalaking kausap ay walang iba kundi si Ibarra.
Ani Simoun, malaking sikreto ang
nalalaman ni Basilio kaya di niya pagsisihan na patayin ito dahil ayaw niyang
maburilyaso ang kanyang planong paghihiganti.
Ngunit dahil sa halos pareho sila ng
sinapit ni Basilio at uhaw din sa katarungan ay dapat daw silang magtulungang
dalawa.
Inamin ni Simoun na siya nga si
Ibarra at ikinuwento na nilibot niya ang buong daigdig upang magpayaman upang
sa kanyang pagbabalik ay mapabagsak ang pamahalaang sumira sa kanyang buhay.
Siya raw ay bumalik upang gisingin
ang damdamin ng bayan sa paghihimagsik laban sa pagmamalabis ng taong
pamahalaan at simbahan.
Di rin sang-ayon si Ibarra sa plano
nina Basilio na pagtatayo ng paraalan ng Wikang Kastila at sa paghingi nilang
gawing lalawigan ng Espanya ang Pilipinas at bigyan ng pantay na karapatan ang
mga Kastila at Pilipino.
Ayon kay Simoun, magbibigay lamang
daw ito ng daan sa Pilipinas sa pagiging bayang walang sariling pagkukuro,
walang kalayaan at pati kapintasan ay hiram dahil sa pagpipilit manghiram ng
wika.
Katwiran naman ni Basilio, ang
kastila umano ay isang wikang magbubuklod-buklod sa mga pulo ng Pilipinas.
Bagay na pinabulaanan ni Simoun.
Kailan man ay di raw magiging wikang pangkalahatan sa bayang ito ang wikang
Kastila. Iilan lamang daw ang nakapagsasalita ng Kastila at ang iilang ito ay
mawawalan ng sariling kakayahan, magpapailalim sa ibang utak, at paaalipin.
Tinuligsa ni Simoun ang mga pangkat
na naghahangad luminang sa wikang Kastila at di sa kaalamang magsalita o
sumulat sa sarili nilang wika pati ang mga nagpapanggap na di sila maalam
magsalita at umunawa ng sariling wika.
Dagdag pa ni Simoun, mabuti raw kung
ayaw silang turuan ng mga Kastila ng kanilang wika. Mas maigi umano na
paunlarin ang isang katutubong wikain nang mawala ang pagtatangi-tangi at
magkaroon ng mga layuning pambansa.
Dapat din ay huwag hayaang magpalagay
ang Kastila na sila ang panginoon dito at sila’y bahagi ng bayang ito kundi
sila’y mga manlulupig at dayuhan. Sa gayon daw ay mas matatamo nina Basilio ang
tunay na paglaya.
Inamin ni Simoun na ito ang dahilan
kung bakit hinayaan niyang mabuhay si Basilio, Isagani at Makaraig na binalak
niyang patayin dahil baka maging hadlang ang mga ito sa pinaplano niyang
paghihiganti.
Paliwanag naman ni Basilio, di daw
siya isang pulitiko. Napalagda lamang siya sa kahilingang tungkol sa paaralan
dahil inaakala niyang iyon ang mabuti. Ngunit sa panggagamot daw talaga ang
hilig niya.
Sa kasalukukuyang kalagayan daw ng
lipunan ay hindi makapanggagamot nang mahusay si Basilio ayon kay Simoun dahil
mas dapat umanong unahing gamutin ang sakit ng bayan.
Ngunit para kay Basilio, kaya nga daw
niya pinili ang siyensiya ay upang makapaglingkod sa bayan. Kalaunan ay nauwi
sa kadakilaan ng karunungan ang pag-uusap nina Basilio at Simoun.
Napansin ni Simoun na tila hindi
naantig ang kalooban ni Basilio kaya tinuya niya ito. Ani Simoun, wala namang
ginagawa si Basilio kundi tangisan ang bangkay ng kanyang ina na parang isang
babae. Tutulungan daw niya si Basilio sa paghihiganti.
Ngunit ano naman daw ang mapapala niya
sa paghihiganti kung hindi naman daw mabubuhay ang kanyang ina at kapatid kahit
gawin niya ito, sagot ni Basilio.
Ngunit tinugon siya ni Simoun na ang
pagpapaumanhin ay di laging kabaitan, ito’y kasalanan kung nagbibigaay-daan sa
pang-aapi. Walang mang-aalipin kung walang paaalipin.
Saka ipinaalala ni Simoun na sa
pag-aaral ni Basilio ay maaaring danasin nito ang dinanas ni Ibarra. Nagtaka si
Basilio. Siya na raw ang inapi ay siya pa ang kamumuhian.
Ani Simoun, likas sa tao ang mamuhi
sa kanyang inaapi.
Nguni’t di naman daw sila
pinakikialaman ni Basilio kaya pabayaan daw nila siyang makagawa at mabuhay.
Tinugon naman ni Simoun si Basilio at
sinabing magkaanak din ito ng mababait na alipin at ang mga damdaming mabuti o
masama ay namamana ng kanyang magiging anak.
Dagdag pa ni Simoun, walang hangad si
Basilio kundi isang munting tahanan, kaunting kaginhawahan, isang asawa; isang
dakot na bigas; mithiin rin ng marami sa Pilipinas, at kung iyan ay ibigay sa
kanila, ituturing nilang sila’y mapalad na.
Matapos sabihing di niya
pinagbabawalan si Basilio sa pagbubunyag ng kanyang lihim ay sinabing kung may
kailangan si Basilio ay magsadya lamang ito sa kanyang tanggapan sa Escolta.
Nagpasalamat naman si Basilio at
iniiwan si Simoun na nag-iisip. Di raw kaya niya napaniwala si Basilio sa
paghihiganti o may balak din itong maghiganti ngunit naglilihim lamang at nais
sarilinin o sadyang wala nang hangad na maghiganti?
Ngunit lalong nagtumining sa loob ni
Simoun ang matinding nasa na makapaghiganti.
Talasalitaan
·
Agam-agam – alinlangan
·
Alatiit – tunog
·
Asarol – kagamitang panghukay
·
Dumanak – dumaloy
·
Kasagwaan – kapangitan
·
Lihis – salungat
·
Magpakita – lumantad
·
Mulala – tanga; hangal; walang malay; inosente
·
Mulato – mestisang negro
·
Nagkikibit-balikat – nagwawalang-bahala
·
Natigatig – natinag; nabahala
·
Paghahabol – pagtugis
·
Rebolber – maikling baril
Kinaumagahan ay agad na tinungo ni
Juli ng kinalalagyan ng Mahal na Birhen upang alamin kung may dalawandaan at
limampung piso na sa ilalim nito.
Sa kasamaang palad ay hindi naghimala
ang Mahal na Birhen kaya inaliw na lamang niya ang sarili at inayos ang damit
na dadalhin pagtungo sa tahanan ni Hermana Penchang.
Dahil Pasko noon kaya ang mga bata ay
binibihisan nang magara ang kanilang mga anak upang magsimba at pagkatapos ay
dadalhin sa kanilang mga ninong at ninang upang mamasko.
Nagpunta sa bahay ni Tandang Selo ang
kanilang mga kamag-anak upang mamasko ngunit nang babatiin na niya ang mga ito
ay laking gulat niya na walang salitang lumabas sa kaniyang bibig.
Pinisil niya ang kanyang lalamunan,
pinihit ang leeg at sinubukang tumawa ngunit kumibut-kibot lamang ang kanyang
mga labi. Ang ingkong ni Juli ay napipi.
Talasalitaan
·
Alatiit – pigil na salita
·
Ingkong – lolo
·
Ketong – sakit sa balat na umaagnas sa laman ng tao
at nag-aalis ng pakiramdam
·
Nakapinid – nakasara
·
Nananagis – umiyak
·
Salabat – paboritong inumin ng karaniwang Pilipino.
Ito ay dinikdik na luya, pinakuluan sa sapat na tubig at minamatamisan ng
panotso o asukal
·
Sinunong – ipinatong sa ulo
·
Tampipi – sisidlan ng damit na yari sa kawayan o buli
Naging usap-usapan sa bayan ang mga
nangyari kay Tandang Selo. Karamihan sa mga tao ay walang pakialam samantalang
ang iba ay walang habas kung pagtsismisan ang matanda.
Anang ilan, kung di lamang daw umalis
si Kabaesang Tales ay baka hindi hindi daw nangyayari iyon kay Tandang Selo.
Nag-usap-usap din ang mga ito kung sino ba ang may kasalanan kaya nangyari ang
kamalasan kay Tandang Selo.
Ibinunton naman ni Hermana Penchang
ang sisi sa lolo ni Juli. Aniya, parusa raw ito dahil sa kakulangan ng
pagdadasal at hindi pagturo ni Tandang Selo kay Juli nang maayos.
Nang mabalitaang ng Hermana na
tutubusin ni Basilio ang kasintahan ay sinabi niyang ang binata ay isang
demonyong nag-aanyong estudyante na ibig magpahamak sa kaluluwa ng dalaga.
Samantala, nakauwi na si Kabesang
Tales dahil sa tulong ng salaping napagbilhan ng mga alahas ni Juli at nautang
ng dalaga kay Hermana Penchang.
Nalaman din niyang nagpaupang utusan
si Juli, ang kanyang lupa ay pagmamay-ari na ng iba, at napipi ang amang si
Tandang Selo.
Pinapaalis na din siya sa kanyang
bahay sa utos na rin ng hukuman at binigyan lamang ng tatlong araw para maialis
ang lahat ng kanilang gamit. Ito nama’y ikinatuwa ng mga pari at ng bagong
may-ari ng kanyang lupa.
Dahil sa mga kaganapang ito ay naupo
lamang sa isang tabi ang Kabesa at nanatiling walang kibo.
Talasalitaan
·
Mabubulid – mahuhulog
·
Matutudla – tatamaan
·
Nabalisa – nag-alala; hindi mapakali
·
Nagkibit – balikat –
pinagsawalang-bahala
·
Paglusob – pagsalakay
·
Pagsanggalang – pagtatanggol
·
Sumasalungat – tumututol
Nakipanuluyan si Simoun sa bahay ni
Kabesang Tales na nasa pagitan ng bayan ng San Diego at ng Tiyani. Naghihirap
na noon si Kabesang Tales samantalang dala nang lahat ni Simoun ang pagkain at
ibang kailangan at dalawang kaban ng mga alahas.
Ipinagmalaki rin niya sa Kabesa ang
dala niyang rebolber. Maya-maya pa’y nagdatingan na ang mga mamimili ng alahas.
Doon ay dumating sina Kapitan
Basilio, ang anak nitong si Sinang at asawa nito, at si Hermana Penchang na
mamimili ng isang singsing na brilyante para sa birhen ng Antipolo. Binuksan ni
Simoun ang dalawang maleta ng alahas na may iba’t ibang uri, ayos, at
kasaysayan.
Inilabas ni Simoun ang mga bago
niyang hiyas at doon namili si Sinang. Sinabi rin ni Simoun na namimili rin
siya ng alahas. Tinanong niya si Kabesang Tales kung may ipagbibigli itong
alahas.
Iminungkahi ni Sinang ang kwintas na
agad tinawaran ni Simoun ng limandaang piso nang makilala niyang kay Maria
Clara nga iyon na kanyang kasintahan na nagmongha.
Ngunit ayon kay Hermana Penchang ay
hindi daw dapat iyon ipagbili ni Kabesang Tales dahil minabitu pa ni Huli ang
paalila kaysa ipagbili iyon. Isangguni raw muna ni Kabesang Tales sa anak ang
bagay na iyon na sinang-ayunan naman ni Simoun.
Nang lumabas ng bahay si Kabesang
Tales ay natanawan niya ang prayle at ang bagong may-ari ng kanyang lupa.
Kinabukasan, wala na si Kabesang
Tales sa kanyang tirahan. Nawawala rin ang rebolber ni Simoun at ang naroroon
lamang ay isang sulat at kuwintas ni Maria Clara.
Humingi ng paumanhin si Kabesang
Tales sa pagkuha niya ng baril ng mag-aalahas dahil kinailangan niyang sumapi
sa mga tulisan. Pinagbilinan din niya si Simoun na mag-ingat sa mga tulisan
dahil mapahamak ang mga ito.
Si Tandang Selo ay hinuli ng mga
gwardiya sibil. Natuwa naman si Simoun dahil sa wakas ay natagpuan na niya ang
taong kanyang kailangan, isang pangahas ngunit marunong tumupad sa mga pangako.
Samatala, tatlo ang pinatay ni
Kabesang Tales ng gabing iyon: ang prayle, ang lalaking gumagawa sa lupa, at
ang asawa nito na putol ang leeg at puno ng lupa ang bibig. Sa tabi ng bangkay
ng babae ay may papel na may nakasulat na “Tales” na isinulat ng daliring isinawsaw
sa dugo.
Talasalitaan
·
Indulgencia – utang na loob
·
Karalitaan – kahirapan; dalita; sakuna
·
Kayamanan – pag-aari; mga mahalagang bagay na naipon o
naitago; bagay na mataas ang halaga; pagkaingat- ingatan
·
Lantay – tunay
·
Lugmok – nakalubog
·
Mahalughog – halungkatin; suriin mabuti
·
Nagdarahop – naghihirap
·
Namamalikmata – di makapaniwala
·
Narahuyong – naakit
·
Niyurakan – sinira
·
Panggigilalas – pagkagulat
·
Umaalipusta – nanglalait
Nangaso ang Kapitan Heneral sa
Boso-boso ngunit wala siyang nahuli dahil natatakot ang mga hayop sa dala
niyang musiko. Ikinatuwa naman ito ng Heneral dahil ayaw niyang malaman ng mga
kasama na wala siyang alam sa pangangaso. Kaya naman sila ay umuwi na lamang sa
bahay ng Kapitan Heneral.
Sa isang bahay-aliwan sa Los Baños ay
naglaro ng baraha sina Padre Irene, Padre Sybila at ang Kapitan. Naiinis naman
si Padre Camora dahil lagi siyang talo. Hindi nagtagal ay pinalitan siya ni
Simoun sa paglalaro.
Pumayag si Simoun na itaya ang
kanyang mga alahas sa kondisyong ipupusta ng mga prayle ang pangakong
magpapakasama sa loob ng limang araw. Sa Kapitan Heneral naman ay ang
pagbibigay ng kapangyarihan kay Simoun na magpakulong at magpatapon ng kahit na
sinong kanyang nanaisin.
Dahil sa mga kakaibang kundisyong ito
ng pagsusugal ay napalapit sina Don Custodio, Padre Fernandez at ang Mataas na
Kawani. Ang Mataas na Kawani ay nagtanong kung ano ang mapapala ni Simoun sa
kanyang mga hiling.
Tinugon ito ni Simoun na para daw
luminis ang bayan at maalis na lahat ang masasamang damo.
Iniisip ng mga nakarinig na kaya
ganun na lamang ang kaisipan ni Simoun ay dahil sa pagkakaharang sa kanya ng
mga tulisan.
Ayon naman kay Simoun, walang kinuha
sa kanya kundi ang dalawa niyang rebolber at mga bala. Kinamusta pa nga daw ng
mga ito ang Kapitan Heneral at sinabing marami raw baril ang mga tulisan.
Tumugon naman ang Heneral at sinabing
ipagbabawal niya ang mga sandata.
Katwiran naman ni Simoun ay marangal
daw ang mga tulisan. Sila lamang raw ang tanging marangal na kumikita ng
ikabubuhay nila.
Dagdag pa ni Simoun, “Halimbawa,
pawawalan ba ninyo ako nang di man lang kukunin ang aking mga alahas? Ang
kasamaan ay wala sa mga tulisan sa bundok nasa mga tulisan sa bayan at
siyudad.”
“Gaya ninyo”, ani Padre Sibylang
nakatawa.
“Gaya natin”, ganti ni Simoun, “Tayo
nga lamang ay mga di-hayagang tulisan.”
Kalahating oras na lamang at
magtatanghalian na kaya tinigil na ng Kapitan Heneral ang laro. Maraming
suliranin pa silang pinag-usapan.
Isa na dito ang pagbabawal ng Heneral
sa armas de salon. Tutol man ang Mataas na Kawani dito ngunit wala naman siyang
nagawa. Nagbigay pa ng payo si Simoun na huwag ipagbawal ang armas de salon sa
halip ay magkaroon na lamang ng iisang sukat na kasalukuyang nabibili noon. At
ito ang nasunod.
Sumunod na pinag-usapan ay ang
paraalan sa Tiyani. Iminungkahi ni Don Custodio na gawing paaralan ang sabungan
kahit sa loob ng isang araw sa isang linggo na tinutulan kaagad ng Kapitan
Heneral.
Ang ilang mga sa pari ay tutol sa
pagpapatayo ng Akademya dahil sa ito’y makakaepekto sa karapatan, isang
paghihimagsikan at dapat raw ay hindi nag-aaral ang mga Indiyo.
Sumang-ayon dito si Simoun at sinabi
na ito’y kahina-hinala. Kaya naman pinutol na ng Heneral ang usapin at sinabing
pag-iisipan niya ang mga bagay na iyon.
Pamaya-maya pa’y dumating ang kura ng
Los Baños na nagsabing handa na ang pagkain.
Ang kawani naman ay bumulong sa
Kapitan Heneral na si Juli ay tatlong araw na pabalik-balik at nagmamakaawa na
palayain ang kanyang nuno.
Sinang-ayunan naman ito ni Padre
Camorra kaya pumayag rin ang Heneral.
Talasalitaan
·
Apyan – opyo
·
Armas de salon – sandatang pambulgaw o pandekorasyon
·
Dumagok – suntukin
·
Kagyat – kaagad-agad
·
Katigan – sang-ayunan
·
Masinsinan – seryosong pag-uusap
·
Masusugpo – mapipigil
·
Mulato – tao na may isang magulang na puti at isang
magulang na negro; biracial
·
Nakayungyong – nagbibigay lilim
·
Pag-aalipusta – paghamak
·
Pag-aalsa – paghihimagsik
·
Pangangamkam – pagkuha
·
Punglo – bala
·
Rebolber – uri ng baril
·
Tresilyo – sugal na baraha
·
Tulisan – rebelde; magnanakaw
Patungo sa Unibersidad ng Santo Tomas
si Placido Penitente. Malungkot ang kanyang mukha dahil ibig na niyang tumigil
ng pag-aaral tulad ng nasabi sa dalawang sulat niya sa ina. Nasa ika-apat na
taon na siya ng pag-aaral ngunit pinakiusapan na kahit batsilyer sa artes ay
matapos niya.
Palaisipan sa mga kababayan ni
Placido sa Tanawan, Batangas kung bakit nais na niyang tumigil sap ag-aaral.
Siya pa naman ang pinakamatalino sa bantog na paaralan ni Padre Valerio roon.
Hindi naman siya sugarol, walang kasintahang magyayayang pakasal, at laban sa
mga aral ng Tandang Basyong Makunat.
Nasa liwasan ng Magallanes na si
Placido nang tapikin siya sa balikat ni Juanito Pelaez. May kayabangan si
Juanito, mayaman, may pagkakuba, at paborito ng mga guro. Anak siya ng isang
mestisong Kastila.
Napag-usapan ng dalawa ang tungkol sa
bakasyon ni Juanito sa Tiyani. Nangharana raw sila ni Padre Camorra ng
magagandang babae at ipinagyabang na wala raw bahay na hindi nila napanhik.
Dagdag pa ni Juanito, tanga raw si
Basilio sa pagkakaroon ng katipang tulad ni Huli dahil susuko rin daw si Huli
kay Padre Camorra.
Nagtanong ng leksyon si Pelaez kay
Penitente dahil noon lamang siya papasok. Ani Placido, tungkol daw sa salamin
ang leksyon. Ngunit niyaya ni Juanito si Placido na maglakwatsa, bagay na
tinutulan naman ng huli.
Natigil lamang ang kanilang pag-uusap
ng manghingi ng abuloy si Juanito para sa monumento ng isang paring Dominikano.
Nagbigay naman ito ng abuloy dahil alam niyang makatutulong ito para sa pagpasa
ng estudyante.
Sa unibersidad ay naroon si Isagani
na nakikipagtalo tungkol sa aralin. Ang ibang estudyante naman ay tinitingnan
ang mga magagandang dalagang nagsisimba.
Pinagtinginan ng mga estudyante ang
isang karwaheng parating kung saan lulan ang katipan ni Juanito na si Paulita
Gomez. Nginitian siya ng tiyahin ni Paulita na si Donya Victorina.
Ang estudyanteng si Tadeo na kaya
lamang pumasok sa paaralan ay upang alamin kung may pasok at kung mayroon ay
aalis na at magdadahilang maysakit ngunit nakapapasa, sa anong himala ay
napasunod kay Paulita sa simbahan.
Nagpasukan na sa paaralan ang mga
mag-aaral ngunit may tumawag kay Placido. Pinalalagda siya sa kasulatang tutol
sa balak na paaralan ni Makaraig.
Walang panahon si Placido na basahin
ang kasulatan kaya ayaw niya sanang lumagda. Ngunit dahil mapilit ang kausap ay
napalagda si Placido. Dahilan kaya siya ay nahuli sa klase.
Bagama’t huli ay pumasok pa rin sa
klase si Placido. Pinatunog pa niya ang takong ng kanyang sapatos sa
pagbabakasakaling ang pagkakahuli niya ay pagkakataon na upang siya’y mapuna at
makilala ng kanyang guro.
Sila’y mahigit isang daan at limampu
sa klase. Hindi naman siya nagkamali at napansin nga siya ng kanyang guro.
Ngunit nabastusan ito kay Placido at nasabing magbabayad daw ito sa kanya.
Talasalitaan
·
Bulastog – mayabang
·
Dia-pichido – ipit na araw na hindi na pinapasukan ng
ibang mga estudyante
·
Loob ng Maynila na
namoogan – Intramuros o Walled City
·
Mangilak – manghingi
·
Panghihinawa – pagkasawa
·
Penitente – nagdurusa
·
Placido – kalmante o mapayapa
·
Puerta – pinto
·
Tandang Basiong
Macunat – isang aklat na naglalaman ng
mga payo ng kura at mga salaysay tungkol sa kasamaang dulot ng pagpapaaral ng
mga anak
·
Umiibis – bumababa
·
Victoria – karuwahe
Isang mahaba at rektangular na
bulwagan ang silid ng klase sa Pisika, maluluwang ang bintana nito at
narerehasan ng bakal. Sa magkabilang tabi ng silid ay may tatlong baitang na
batong natatapakan ng kahoy. Doon nakaupo ang mga estudyanteng nakaayos ayon sa
pagkakasunud-sunod ng letra ng kanilang mga apelyido.
Walang palamuti ang dingding ng
silid. May mga kasangkapan nga sa pisika ngunit ito ay nakasusi sa isang
aparador na may salamin at kung gamitin man ay ipinakikita lamang sa klase mula
sa malayo tulad ng Santisimo ng Pari.
Samantala, ang batang Dominikong pari
na si Padre Millon ang guro sa klase ng Pisika. Siya’y napabantog sa pilosopiya
sa Kolehiyo ng San Juan de Letran. Katapat ng pintuan, sa ilalim ng larawan ni
Santo Tomas de Aquino ay doon nakaupo ang propesor.
Tinawag ng propesor ang antuking
estudyante na may buhok na parang iskoba. Parang ponograpo itong tumugon ng isang
isinaulong leksiyon na ukol sa salamin, bahagi nito, kauriang bubog o kalaing.
Pinatigil ng guro ang estudyante at sunod na tinawag si Pelaez.
Sumenyas ito kay Placido na tila ba
sinasabing, “Makinig ka’t diktahan mo ako.” Sa katatapak sa paa ni Placido ay
napasigaw ito sa sakit. Sa kanya tuloy nabaling ang galit ng propesor.
Siya ang tinatanong ng propesor
matapos na siya’y murahin at sabihang “espiritu sastre”. Nasabihan din siyang
“pakialamero” at dahil dito ay pinaupo na si Juanito at siya na ang tinanong.
Nagkandautal si Placido sa pagsagot
sa mga tanong ng propesor. Tinawag pa siya nitong Placidong Tagadikta. Wala
siyang nabigkas sa mga leksyon kaya naglagay ang propesor ng guhit kay Placido.
Tumutol dito si Placido at nagpaliwanag.
Inihagis ni Placido ang hawak niyang
aklat, tumindig, hinarap ang propesor at walang-galang na umalis sa klase.
Natigilan ang klase. Di nila lahat
akalain na magagawa iyon ni Placido. Nagsermon at nagmura si Padre Millon
hanggang sa tumugtog ang kampanilya, hudyat na tapos na ang klase.
Talasalitaan
·
Ampliacion – mataas na kurso
·
Asoge – Mercury o Merkurio
·
Binuling – pinakinis
·
Dominus Vobiscum –
sumaiyo ang Panginoon
·
Eskaparate – salaming dibisyon
·
Espiritu Sastre – pauyam
na termino ni Padre Millon sa Espiritu Santo
·
Hinuha – palagay
·
Iskoba – brush
·
Kamagong – Mahogany; kahoy na kulay itim
·
Lavvoiser, Secchi,
Tyndall – mga banyagang siyentipiko
·
Pag-aglahi – pang-iinsulto
·
Pagupak – patunog na yari sa kahoy na ginagamit sa
misa kung Biyernes Santo sa halip na kampanilyang metal
·
Pilosopastro – pauyam na tawag sa pilosopo
·
Ponograpo – pangkaraniwang aparatong pampatugtog
·
Requiescat in pace – sumalangit nawa
·
Salamin – isang matigas, babasagin at nakaaaninag na
materyal
·
Santisimo – banal na sakramento
·
Sihang – Panga
·
Ultimatum – pinakahuling pahayag
Ang tinitirahang bahay ni Makaraig ay
malaki. Maluwag ito at puro binata ang mga nakatira na pawang nangangasera.
Mayaman si Makaraig at kumukuha ng
kursong abogasya. Siya ang pinuno ng kilusan para sa Akademya ng wikang
Kastila. Inimbitahan ni Makaraig ang mga pangunahing mag-aaral na sina Isagani,
Sandoval, Pecson at Pelaez upang pag-usapan ang kanilang pakay.
Si Isagani at Sandoval ay naniniwala
na maaprubahan ang pagbukas ng paaralang samantalang si Pecson ay
nag-aalinlangan. Nagkaroon sila ng debate sa maaring maging aksiyon sa kanilang
paaralan. Si Sandoval ay larawan ng mga kastilang may malasakit at pagpapahalaga
sa mga Pilipino.
Isang magandang balita ang ibinahagi
ni Makaraig. Si Padre Irene umano ang nagtatanggol sa kanila laban sa mga
sumalungat sa kanilang adhikain.
Dagdag pa niya, kailangan ng kanilang
grupo ang pagpanig ni Don Custodio, isa sa mga kataas-taasang lipon ng paaralan
sa kanilang panig.
Dalawang tao ang maari umano nilang
lapitan upang kumbinsihin si Don Custodio na pumanig sa kanila. Ito raw ay si
Ginoong Pasta na isang manananggol at ang mananayaw na si Pepay.
Napagkasunduan nila na kay Ginoong
Pasta lumapit upang maging marangal ang kapamaraanan.
Talasalitaan
·
Abuloy – kontribusyon
·
Aktibidades –
gawain
·
Facultad – nag-aaral ng kursong pampropesyunal o
pang-akademiko
·
Hangarin – pangarap
·
Kasigabuhan – silakbo
·
Magpalikaw-likaw – magpaligoy-ligoy
·
Mapakiling – pumanig; mapapayag; mapasang-ayon
·
Nagpapasimuno – nagsimula
·
Nagpipingkian – nag-iiskrima
·
Nang-uulot – nang-uudyok
·
Nobya – kasintahan
Sinadya ni Isagani ang opisina ng
manananggol na si Senyor Pasta, isa sa mga may pinakamatalas na pag-iisip sa
Maynila na sinasangguni ng mga pari kung ang mga ito’y nasa gipit na kalagayan.
Pinakiusapan niya ang Senyor na kung
maari ay mamagitan upang kanilang mapasang-ayon kung sakaling sumangguni na
sila kay Don Custodio.
Ikinuwento ni Isagani kay Senyor
Pasta ang tungkol sa balaking kilusan. Nakinig ng mabuti ang Senyor na tila
walang alam at kunwari’y wala siyang pakialam sa gawain ng mga kabataan.
Pinakikiramdaman naman ni Isagani ang naging bisa ng kanyang mga salita sa
abogado.
Nais sana ni Isagani na maaprubahan
ng manananggol ang nais nilang akademya ng Wikang Kastila ngunit nabigo siya
dahil nagpasiya ng abogado na huwag makialam dahil maselan ang usapan at mas
mabuting hayaan daw na ang gobyerno ang kumilos.
Talasalitaan
·
Anasan – pag-uusap sa mahinang boses;
bulung-bulungan
·
Kilatisin – uriin
·
Kondesa – tawag sa asawa ng konde
·
Nagmamaang-maangan – nagkukunwang walang alam
·
Pabulalas – pasambulat
·
Pagsasapantaha – panghihinala
·
Pahat – kaunti; munti
·
Palikaw-likaw – pahipit-hipit, pasikot-sikot
·
Pangangayupapa – pagpapakumbaba, pagyukod, pagluhod,
pagpapatirapa, o iba pang kilos na tanda ng pagpapasakop o pagbibigay-galang
·
Pasaliwa – pabaliktad
·
Rector – punong pari
·
Silyon – isang upuang may patungan ng mga kamay
·
Sumuong – lumusob
·
Upaw – kalbo
Ang negosyanteng Intsik na si Quiroga
ay naghahangad magkaroon ng konsulado ang kanyang bansa kaya siya ay naghandog
ng isang hapunan. Dumalo ang mga tanyag na panauhin kabilang na ang mga
kilalang mangangalakal, mga pari, mga militar, mga kawani ng pamahalaan pati na
din ang kanilang mga suki.
Nang dumating si Simoun ay sinigil
niya si Quiroga sa kanyang utang na nagkakahalaga ng siyam na libong piso.
Nalulugi daw ang Intsik kaya hindi makakabayad sa mag-aalahas.
Inalok siya ni Simoun na babawasan ng
dalawang libong piso ang utang kung papayag umano si Quiroga na itago sa
kanilang bodega ang mga armas na dumating.
Wala daw dapat ipangamba ang Intsik
dahil ang mga baril ay unti-unting ililipat sa ibang bahay na pagkatapos ay
gaagawan ng pagsisiyasat at marami ang mabibilango. Siya ay lalakad sa mga
mapipiit upang kumita. Napilitan namang sumang-ayon si Quiroga.
Samantala, ang pangkat ni Don
Custodio ay nag-uusap tungkol sa komisyong ipapadala sa India para pag-aralan
ang paggawa ng sapatos para sa mga sundalo.
Ang grupo naman ng mga prayle ay
pinag-uusapan ang tungkol sa ulong nagsasalita sa may perya sa Quiapo na
pinamamahalaan ni Mr. Leeds.
Talasalitaan
·
Bulalas – pahayag
·
Consulado – ukol sa gawain ng konsul
·
Kapighatian – kahirapan, kalungkutan
·
Konsul – isang tao na ipinag-utos ng pamahalaan na
naninirahan sa ibang bansa para maging kinatawan ng kanyang bansa.
·
Kopa – goblet
·
Nakahuhughog – nakasasaid
·
Nanduduwit – nangunguha
·
Paghahamok – labanan, away
·
Piging – handaan, kainan
·
Pulseras – bracelet
·
Sikolo – 25 sentimo
·
Tsampan – kumikislap na alak (Champagne)
·
Walang
kapangi-pangimi – malakas ang loob
Pumunta sa peryahan sa Quiapo ang
labindalawang galing sa bahay ni Quiroga. Patungo sila sa kubol ni Mr. Leeds.
Ikinatuwa ni ng makamundong pari na
si Padre Camorra ang mga nasasalubong nilang magagandang dalaga lalo pa ng
makita niya si Paulita Gomez na kasama ng kanyang tiya na si Donya Victorina at
ni Isagani na nobyo ng dalaga. Naiinis naman si Isagani sa bawat tumititig kay
Paulita.
Dumating sila sa isang tindahan kung
saan maraming makikita na estatwang kahoy. Ang isang estatwang mukhang mulato
ay kinilala nilang si Simoun dahil sa parang pinaghalong puti at itim ito.
Wala roon ang mag-aalahas kaya’t
napag-usapan nila ito. Ani Padre Camorra, baka daw natatakot si Simoun na
pagbayarin nila sa pagpasok sa peryahan.
Wika naman ni Ben Zayb, baka natakot
si Simoun na matuklasan nila ang lihim ng kanyang kaibigan na si Mr. Leeds.
Talasalitaan
·
Galaw – kilos
·
Kalantiriin – inisin
·
Katog – tunog
·
Kinamumuhian – kinagagalitan, kinaiinisan
·
Kkutsero – ang nagkokontrol sa kabayo
·
Liwasan – parke, plasa
·
Mabunggo – maumpog, mabangga
·
Namimirinsa – namamalantsa
·
Prinsa – plantsang bilog na ang ginagamit na painit
ay uling o kahoy.
Sa peryahan ay sinalubong ni Mr.
Leeds ang mga panauhin. Isa siyang Amerikano na magaling magsalita ng Kastila
dahil sa matagal na namalagi sa Timog-Amerika.
Bago naman magsimula ang palabas ay
nagsiyasat muna si Ben Zayb at hinanap ang salamin na maaring ginagamit ni Mr.
Leeds sa pandaraya. Ito naman ay may pahintulot ng Amerikano ngunit walang
natagpuang salamin si Ben Zayb.
Pagkaraan ay pumasok si Mr. Leeds sa
isang pinto at paglabas ay may dala na siyang kahong kahoy. Aniya, natagpuan
daw niya iyon sa libingang nasa piramid ni Khufu, isang Paraon ng Ehipto.
Ang kahon ay may lamang abo at
kapirasong papiro na kinasusulatan ng dalawang salita. Kapag binigkas ang unang
salita ay nabubuhay ang abo at nakakausap ang isang ulo. Kapag ang pangalawang
salita naman ang binanggit ay bumabalik ito sa dating kinalalagyan.
Maya-maya bumigkas ng isang salita
ang Amerikano. Lumabas ang isang ulo at sinabi nitong siya si Imuthis. Siya daw
ay umuwi sa kanyang bayan pagkatapos ng pag-aaral at mahabang paglalakbay.
Nang dumaan daw siya sa Babilonia ay
nalaman niya ang isang lihim na hindi ang tunay na Sumerdis ang namamahala doon
kundi si Gautama, isang magnanakaw ng kapangyarihan at namamahala sa tulong ng
pandaraya. Dahil sa takot na isumbong siya kay Cambises ay binalak niyang
patayin si Imuthis sa tulong ng mga saserdoteng taga-Ehipto.
Samantala, si Imuthis ay umibig sa
isang anak ng pari at naging kaagaw niya rito ang pari sa Abidos. Nagpanukala
ang pari ng kaguluhan at siya ang sinangkalan.
Isinakdal si Imuthis, napiit,
tumakas, at saka napatay. Ayon sa ulo siya ay nabuhay muli upang ihayag ang gayong
kataksilan. Titig na titig ang ulo kay Padre Salvi habang nagsasalita ito kaya
dahil sa takot ay hinimatay ang pari.
Kinabukasan ay naglabas ng utos ang
Gobernador na nagbabawal sa palabas ni Mr. Leeds ngunit huli na dahil wala na
ang Amerikano at nagpunta na sa Hongkong dala ang kanyang lihim.
Talasalitaan
·
Alingasaw – Singaw
·
Iginugumon – Inilulubog
·
Kabuhungan – Kasamaan
·
Kahindik-hindik – Nakakatakot
·
Pinaunlakan – Pinagbigyan
Galit na galit na lumabas sa klase si
Placido Penitente. Halos hindi na siya makapagtimpi at nais na gumawa ng isang
libo’t isang paghihiganti.
Nakita niyang nagdaan lulan ng isang
sasakyan si Padre Sibyla at Don Custodio. Nais niyang habulin ang kura at
ihagis sa ilog.
Nang mapadaan naman sa Escolta ay may
nadaanan siyang dalawang Agustino sa pinto ng basar ni Quiroga. Ibig niya
sanang pag-uundayan ng suntok ang mga ito ngunit nagpigil si Placido.
Nadaanan din niya ang dalawang kadete
na nakikipag-usap sa isang kawani saka sinagasa mga ito.
Sa kanyang tinutuluyan ay dumating si
Kabesang Andang na kanyang inang taga-Batangas. Naghinagpis ang ina nang
magpaalam si Placido na hindi na mag-aaral.
Ilang sandali pa ay umalis na si
Placido at nilibot ang Sibakong, Tundo, San Nicolas, at Sto. Kristo.
Mainit ang ulo ni Placido.
Maya-maya’y nakaramdam siya ng gutom at naisipang umuwi. Inisip niya na wala na
sa kanyang tinutuluyan ang ina at nagtungo na sa kapitbahay upang
makipangginggi. Ngunit mali siya ng akala dahil naroon pa ang ina at
naghihintay sa kanya.
Pinakiusapan daw ni Kabesang Andang
sa prokurador ng Agustino na iayos ang suliranin ni Placido sa nakagalit na
Dominiko. Ngunit matigas si Placido. Tatalon daw muna siya sa ilog Pasig o
magtutulisan bago mag-aral na muli.
Muling nagsermon ang ina tungkol sa
pagtitiis. Hindi na lang kumain si Placido at saka muling umalis. Pumunta siya
sa daungan ng bapor. Doon ay naisip niya na magpunta ng Hongkong upang
magpayaman at kalabin ang mga pari sa kanyang pagbabalik.
Gabi na at dahil sa walang natagpuang
kaibigan ay nagtungo siya sa perya. Doon niya nakita si Simoun. Ikinuwento niya
dito ang nangyari sa kanya at ang planong magpunta sa Hongkong.
Isinama ni Simoun Placido sa kanyang
karwahe. Nakita nila sina Isagani at Paulita na magkasama. Nainggit naman si
Placido kina Isagani at Simoun.
Pagkaraan ay muling nagpatuloy sa
paglalakbay ang dalawa. Nakarating sila sa isang bahay na pagawaan ng mga
pulbura na pinangangasiwaan ng dating guro sa San Diego.
Inatasan si Simoun na pakipagkitaan
ng guro ang tenyente at ang kabo ng mga militar, gayundin si Kabesang Tales.
Anang guro ay di pa sila handa.
Ngunit ayon kay Simoun ay sapat na
sina Kabesang Tales, ang mga naging kabinero at isang rehinameyento ng mga
kawal dahil kung ipagpapaliban pa raw nila ang plano ay baka patay na si Maria
Clara.
Dalawang oras din na nag-usap sa
bahay ni Simoun at ang binata bago umuwi sa kaserahan si Placido.
Kinabukasan ay nakikinig na sa
pangaral ng kanyang ina si Placido. Hindi na rin siya tumutol sa mga payo nito.
Pagkaraan ay pinauwi na niya ang ina sa Batangas dahil baka malaman pa daw ng
prokurador na naroon siya at hihingian pa ito ng regalo at pamisa.
Talasalitaan
·
Arabal – hangganan ng bayan
·
Basar – tindahan
·
Candelabra – mahabang tubo na may kandila sa dulo
·
Ciriales – mahabang tubo na may krus sa dulo
·
Fenix – isang mahimalang ibon na nabubuhay ng
limandaang taon
·
Iginugupo – pinaghihina
·
Kabuluhan – may kapupuntahan, may katutururan
·
Karabinero – isang kawal na armado ng karabin
·
Kastilyero – tagagawa ng mga paputok
·
Kinatitirikan – kinatatayuan
·
Lipakin – hamakin
·
Malamlam – mapanglaw
·
Mitsa – isang parte ng bomba na sinisindihan para
ito’y pumutok; nagsisilbi rin itong orasan kung iilan nalang na oras ang
bibilangin bago pumutok ang bomba
·
Nagngingitngit – labis na galit
·
Nakaririmrim – nakapandidiri
·
Platero – tagapanday ng pilak
·
Procurador – pinuno ng isang relihiyosong korporasyon
·
Promotor piskal – pinunong abogado ng isang distrito
Nasa mga kamay ni Don Custodio ang
usapin sa akademya ng wikang Kastila. Siya ang pinagkatiwalaan lumutas sa
suliraning ito..
Si Don Custodio de Salazar y Sanchez
de Monteredondo o kilala sa tawag na “Buena Tinta” ay tanyag sa bahagi ng
lipunan sa Maynila. Nakapag-asawa siya ng mayaman at sa pamamagitan nito ay
nakapag-negosyo. Siya ay pinupuri kahit kulang sa kaalaman sa mga tungkuling
kanyang hinahawakan dahil si Don Custodio ay masipag.
Nang magtungo sa Espanya ay walang
pumansin sa kanya dahil sa kakulangan niya sa pinag-aralan. Wala pang isang
taon ay bumalik na rin siya sa Pilipinas at nagyabang sa mga Pilipino sa
kanyang kunwaring magandang karanasan sa Madrid.
Ipinalagay niyang siya’y isang amo at
manananggol. Naniniwala siyang may ipinanganak upang mag-utos at ang iba’y
upang sumunod. Para sa kanya, ang mga Pilipino ay ipinanganak upang maging
utusan.
Pagkaraan ng labinlimang araw ay
nakabuo na ng pasya si Don Custodio at handa na niya itong ipaalam sa lahat.
Talasalitaan
·
Bantog – kilala
·
Di-masusupil – di mapipigil
·
Ginugol – inaksaya
·
Himala – kababalaghan
·
Katukayo – kapangalan
·
Masawata – masupil
·
Matapang – malakas ang loob
·
Nakagagambala – nakagugulo
·
Nakikini-kinita – nagugunita
·
Nalathala – naipahayag
·
Pananalig – paniniwala
·
Pangahas – nangunguna
·
Panukala – mungkahi
·
Sinang-ayunan – kinampihan
No comments:
Post a Comment