Noli Me Tangere Kabanata 13 Buod, Mga Tauhan, at Aral
Tatalakayin natin sa post na ito ang maikling buod ng Noli Me Tangere Kabanata 13 – Ang Babala ng Sigwa. Bukod pa d’yan, malalaman mo din kung sinu-sino ang mga tauhang nabanggit sa kabanatang ito pati na rin ang aral at mahahalagang kaisipan na mapupulot mo rito.
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 13 – Ang Babala ng Sigwa
Nagtungo si Crisostomo Ibarra sa sementaryo ng San Diego upang dalawin ang puntod ng kanyang yumaong ama, si Don Rafael. Sinamahan siya ng kanilang matandang katiwala na nagtanim ng mga bulaklak ng adelpa at sampaga bilang alay sa libingan ng kanyang ama.
Ngunit habang naghahanap, nakasalubong nila ang sepulturero at doon ay nalaman ni Ibarra ang kalunos-lunos na kapalaran ng bangkay ng kanyang ama. Itinapon pala ito sa lawa dahil sa kabigatan nito at hindi na nailibing sa libingan ng mga Intsik. Ayon sa sepulturero, ang utos ay galing sa kura paroko.
Dahil sa matinding galit at poot na naramdaman ni Ibarra, iniwan niya ang sepulturero at hinanap si Padre Salvi upang humingi ng paliwanag. Sa huli, nalaman ni Ibarra na si Padre Damaso pala ang may kagagawan ng lahat ng iyon.
Mga Tauhan sa Noli Me Tangere Kabanata 13
Ito ang mga tauhang nabanggit sa ika-13 Kabanata ng Noli Me Tangere:
- Crisostomo Ibarra
- Matandang katiwala
- Sepulturero
- Padre Salvi
- Padre Damaso
- Don Rafael (banggit lamang)
Mga Aral sa Noli Me Tangere Kabanata 13
Narito ang mga aral at mahahalagang kaisipan na maaaring mapulot sa Kabanata 13 ng Noli Me Tangere:
- Ang kabanatang ito ay nagpapakita ng iba’t ibang emosyon at kaganapan na nagsisilbing paalala sa mga mambabasa. Ang pagkamuhi ni Ibarra sa nangyari sa kanyang ama ay isang pagpapakita ng kanyang pagmamahal at paggalang sa kanya. Sa kabila ng kanyang poot, pinili pa rin niyang harapin ang mga taong may kinalaman dito at hanapin ang katotohanan.
- Ang paglapastangan sa bangkay ni Don Rafael ay isang halimbawa ng hindi makatarungang pagtrato sa mga namatay. Ang pagkakaroon ng mataas na kapangyarihan ng mga prayle noon ay hindi sapat na dahilan para lapastanganin ang kanilang kapwa tao. Ito ay nagbibigay ng aral na mahalaga ang paggalang sa karapatang pantao, maging sa mga buhay man o sa mga namayapa na.
- Sa kabanatang ito, muling naipapakita ang impluwensya ng mga prayle sa lipunan at ang kanilang pag-abuso sa kapangyarihan. Ang kaganapang ito ay nagsisilbing paalala na ang paghahanap ng hustisya ay mahalaga upang mabigyan ng karampatang parusa ang mga taong gumagawa ng mali at mapanagot sa kanilang mga ginawang kasalanan.
At ‘yan ang Noli Me Tangere Kabanata 13 Buod, mga Tauhan, at Aral. Kung naging kapaki-pakinabang sa iyo ang araling ito, ibahagi mo ito sa iyong mga kaklase at kaibigan upang sila din ay matuto sa bahaging ito ng nobela.
No comments:
Post a Comment